Una sa Balita

Utang ng bawat Pinoy lumobo sa ₱72K

By
0 497

LUMAKI ang utang ng bawat Pilipino – sanggol man o matanda – sa P72,711.08 noong katapusan ng 2018 mula sa P67,716.46 noong 2017.

Ayon sa datos ng Bureau of the Treasury, nasa P7.78 trilyon na ang utang ng pamahalaan ng Pilipinas noong katapusan ng 2018, mas mataas ng halos 10% kumpara sa P7.13 trilyon na itinala noong 2017.

Kung hahatiin ang utang na P7.28 trilyon sa populasyon ng bansa na umabot na sa 107 milyon noong 2018, aabot ito sa P72,711.08 bawat isa. Ang utang na P67,716.46 bawat isa noong 2017 naman ay hinati sa populasyon na nasa 105.3 milyong katao pa lamang.

Simula nang umupo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang, P1.83 trilyon na ang nadagdag sa utang ng pamahalaan na nasa P5.95 trilyon lamang noong Hunyo 30, 2016.

Ngayong taon, nasa P1.04 trilyon na naman ang utang na planong idagdag ng administrasyong Duterte, base sa datos ng Department of Budget and Management (DBM). Sa P1.04 trilyon na ito, P902.6 bilyon ang uutangin sa loob ng bansa o ang tinatawag na net domestic borrowing at P140 bilyon naman ang net foreign borrowing. ­