Una sa Balita

Utak sa pagpatay kay Mayor Bote tukoy na

By ,
0 1,026

Kilala na ng pulisya ang mastermind sa pagpatay kay General Tinio Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote matapos na kumanta ang dalawang nahuling mga hired killer.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, sad­yang hindi muna nila inilabas ang pangalan ng umano’y mastermind sa pagpatay kay Mayor Bote dahil patuloy ang kanilang follow-up ope­ration laban dito.

Ayon pa kay Albayalde, umamin na sa pulisya sina Robert Gumaca at Florencio Suarez na sila ay binayarang pumatay kay Mayor Bote noong Hulyo 3 ng hapon sa Cabanatuan City.

Matatandaang nadakip sina Gumaca at Suarez dakong alas-9:30 nang umaga kamakalawa sa isang checkpoint sa kahabaan ng Andaya highway sakop ng Del Gallego, Camarines Sur.

Dagdag pa ni Albayal­de na mas lumulutang ang motibong away sa negosyo ang dahilan ng pagpatay kay Mayor Bote.

Kinumpirma rin ni Albayalde na apat hanggang walong baril ang nakuha sa dalawang suspek na karamihan aniya dito ay 45 kalibre armas.
Pero ang ginamit ani­ya ng dalawang suspek sa pamamaril kay Mayor Bote ay hindi rehistrado.

27 mayor sa NE nag-ambag ng P50k each

Mag-aambag ng tig-P50,000 ang bawat isa sa 27 alkaldeng kasapi ng League of Municipalities of the Philippines Nueva Ecija (LMP-NE) chapter upang makapag­laan ng P1M pabuya sa makapagbibigay ng mahalagang impormasyon sa ikalulutas ng pagpaslang kay Mayor Ferdinand P. Bote noong Hunyo 3.

Ito ang kinumpirma ni LMP-NE chapter president Ferdinand ‘Blueboy’ Abesamis na napagkasunduan sa idinaos na pagpupulong noong Martes at ang sosobrang P350,000 umano ay idadagdag sa pondo ng samahan.

Ang pabuya ng LMP-NE ay bukod pa sa inialok ni NE Gov. Czarina Umali na P1M na mula sa pamahalaang panlalawigan.