Una sa Balita

UST nilapa ang UP, pasok sa finals

0 463

ISANG dagger three ni Renzo Subido at dalawang free throw ni MVP Soulemane Chabi Yo sa endgame ang nagselyo sa panalo ng University of Sto. Tomas (UST) Growling Tigers kontra University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 68-65, sa huling stepladder semis kagabi sa UAAP Season 82 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena.

Pasok sa best-of-three championship series ang Growling Tigers kontra defen­ding champions Ateneo Blue Eagles simula Sabado, Nobyembre 16, alas-kuwatro nang hapon sa Big Dome.

May tsansa pa sana ang UP na dalhin sa overtime period ang laban subalit sablay ang panablang tres ni James Spencer kasabay ng pagtunog ng buzzer.
Huling sumampa sa finals ang Grow­ling Tigers taong 2015 kung saan natalo sila sa Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 1-2, sa championship series habang huli silang nagkampeon taong 2006 kontra Ateneo, 2-1, sa titular showdown .

“That was a good game. We have to give credit to coach Bo (Perasol) and his coaching staff for the adjustments that they made. It was really tough for us because of their adjustments. We tried to counter, we we’re able to get our shots kaya lang hindi pumapasok but I kept on telling the boys to keep on taking those shots kasi ‘yun naman talaga ‘yung tira na tinitira namin,” pahayag ni UST head coach Aldin Ayo.

Sa opening quarter ng laban, rumagasa agad ang Growling Tigers, 18-6, ngunit sa ikalawang yugto ay nakalapit ang UP, 29-28, matapos ang first half.

Sa third quarter, nakontrol ng UST ang talaan, 49-44, sa huling yugto naitabla ni Jun Manzo ng UP ang iskor para sa unang deadlock 57-all, 5:43 sa orasan.

Pinangunahan ni Chabi Yo ang UST sa kanyang 22 points at 16 rebounds, habang si Subido ay may 14 points.

Tumulong din si Mark Nonoy ng 12 points at Rhenz Abando na may 11 marka.
Hindi naman sapat ang 16 points, at 17 rebounds ni Bright Akhuetie, at tig-12 points nina Manzo at Ricci Rivero. (Ja­niel Abby Toralba)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy