Una sa Balita

UST binulabog ng ‘bomba’

By
0 151

MATAPOS sa Mapua University, binulabog din ng bomb threat ang University of Santo Tomas (UST) sa Sampaloc, Maynila kahapon nang umaga.

Isang estudyante diumano ang nakatanggap ng bomb threat sa pamamagitan ng text message sa kanya na katulad halos ng mensahe na natanggap ng construction engineer ng Mapua University.

Ayon sa Manila Police District-Explosive and Ordnance Division (MPD-EOD), alas-9:26 nang umaga nang makatanggap ng bomb threat ang isang freshman medical technology student na galing diumano sa New People’s Army (NPA) kaya agad na ipinagbigay-alam ito sa pamunuan ng UST.

Itinawag ng eskuwelahan ang insidente sa MPD-EOD at nagsagawa ng inspeksiyon ang mga tauhan nito sa buong unibersidad.

Pero hindi naman sinuspendi ang klase ng mga estudyante at hindi rin nagpatupad ng evacuation ang pamunuan ng UST.
Kalaunan ay idineklara ng MPD-EOD na negatibo sa bomba ang UST ng alas-12:00 nang tanghali kahapon.

Nitong Miyerkoles nang hapon ay nakatanggap rin ng bomb threat ang Mapua University na matatagpuan sa Intramuros, Maynila pero matapos ang inspeksiyon ng MPD-EOD ay negatibo rin ito sa bomba.