Una sa Balita

Usok ang nakikita

By
0 20

Kapag hindi napatakan ng Visine ang aking mata, lumalabo ang aking paningin. Parang usok ang nakikita ko. Ano dapat gawin para tuluyang mawala ito? — Rosie ng Pasay City.

***

Maaring may katarata ka. Ito ang pagiging cloudy ng lens ng mata na dala ng pagkatanda, matagal na paggamit ng steroids o sakit tulad ng diabetes. Pwede rin ito makuha sa excessive exposure sa araw o x-rays, kung may high blood pressure o family history ng katarata, kapag mataba, mahilig sa alak at paninigarilyo. Sa umpisa, hindi mo maramdaman na may katarata ka hanggang maging foggy ang paningin sa paglaki nito. Dahil dito, mahirap magbasa, mag-drive (lalo na sa gabi) o makita ang mukha ng kaharap. Bukod sa cloudy o blurred vision, ang ibang sintomas ng katarata ay mahirap makakita sa gabi, sensitivity to light, madalas na pagpalit ng salamin o contact lenses, panlalabo o paninilaw ng kulay at double vision sa isang mata. Pumunta sa isang ophthalmologist para magpasuri ng mata.

Madaling makita ang katarata. Operasyon lamang ang gamot nito upang tanggalin ang malabong lens at palitan ito ng bago (artificial o intraocular lens). Sandali lang ito at gagaling ka sa loob ng walong linggo. Kung dalawang mata ang may katarata, isa muna ang ooperahan at susunod ang isa pagkalipas ng isa o dalawang buwan. Ang doktor ang magsasabi sa iyo kung kailangan tanggalin na ang katarata. Kadalasan ginagawa ito kapag hirap na ang paningin at hindi ka makabasa. Hindi mapaliit ng Visine ang katarata at masama rin itong gamitin sa katagalan. Kung hindi ka pa magpapaopera at lumalabo ang paningin, makakatulong pansamantala ang paggamit ng magnifying glass o tamang salamin at ang pagsuot ng sunglasses o sombrero sa labas. Gumamit ng mas maliwanag na ilaw sa bahay.

***

May problema ka ba sa kalusugan? Nais mo bang maliwanagan sa sakit mo? Mag-e-mail kay George Nava True II sa georgenavatrue@yahoo.com o mag-text sa 09359720691. Sasagutin ni George ang problema mo dito. Si George ay National Press Club at Philippine Dental Association awardee at author ng 3 health books. Sundan siya sa Twitter sa https://twitter.com/georgenavatrue.