Una sa Balita

Usec, Asec ni Aguirre pinag-alsa balutan ni Guevarra

By , ,
0 1,291

INATASAN kahapon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menar­do Guevarra ang lahat ng kanyang mga undersecretary at assistant secretary na magsumite ng courtesy resignation kaugnay ng nakaambang balasahan sa kagawaran.

“In the exigency of service, and in order to give the undersigned a free hand to perform the mandate given to him by the President, all incumbent undersecretaries and assistant secreta­ries of this Department, are hereby directed to tender their unqualified courtesy resignations to the President, through the undersigned, not later than April 30, 2018, except career officials as defined by civil service laws, rules and regulations,” ayon kay Guevarra sa kanyang memorandum.

May petsang Abril 24 ang memo pero kahapon lang ito inihayag sa media.

Sa ilalim ng courtesy resignation magpapatuloy sa kanilang trabaho ang mga opisyal maliban kung aksiyonan na ito ni Pangulong Duterte.

Lahat ng limang DOJ undersecretary ay itinalaga sa panahon ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Apat sa kanila ay mga miyembro ng Lex Talionis, ang fraternity nina Aguirre at Pangulong Rodrigo Duterte sa San Beda law school. Kabilang dito sina Antonio Kho Jr., Erickson Balmes, Raymund Mecate at Reynante Orceo. Habang si Deo Marco ay anak ng isa pa nilang ka-brod.

Kabilang naman sa mga assistant secretary sina Adonis Sulit, Juvy Manwong, George Ortha II, Moslemen Macarambon Sr., Cheryl Daytec-Yañgot, Sergio Yap II at Margaret Padilla. Si Sulit lang ang hindi nagsumite ng re­signation letter dahil isa itong career official na may security of tenure.

Sinabi ni Guevarra na sumunod na ang lahat ng kanyang de­puty sa inilabas niyang kautusan. Ang iba ay nauna nang nagsumite ng courtesy resignation bago pa man inisyu ni Guevarra ang memorandum kabilang dito sina Balmes, Kho at Mecate.

Samantala, ipinahayag ng Malacañang sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi makikialam ang Palasyo sa mga gagawing aksiyon ni Guevarra lalo na sa pagpapalit ng mga tao na makatutulong nito sa pagpapatakbo sa DOJ.

“Call po niya ‘yon, that’s his call,” ang maiksing sagot ni Roque.