Una sa Balita

Usapang parking

By
0 177

Habang namomoroblema ang mga kababayan nating bumibiyahe dahil sa inaprubahang bagong singil sa minimum fare sa jeepney na P10, ang mga tsokaran naman nating medyo nakaaangat at kayang bumili ng sasakyan kahit maliit lang at hulugan, parking ang sakit ng ulo.

Bakit nga naman hindi mangangamote ang mga may sasakyan sa panahong ito, aba’y hindi lang kalsada ang sumisikip dahil sa dami na ng sasakyan, sumi­sikip na rin ang mundo nila maging sa pagha­hanap ng paparadahan.

Parang bibingka nga ang mga may sasakyan ngayon—walang nang maparadahan, hindi pa sila basta-basta makakatigil sa gilid ng kalsada dahil baka mayari at matiketan sila ng MMDA, kung hindi man mahatak ang kanilang sasakyan.

Sa totoo lang, hindi gaya noon, mas madali nang makabili, este, makapangutang ng sasakyan ngayon lalo na ang mga maliliit na klase na pang-city dri­ving ika na. Pero kahit ang mga malalaki o SUV type na sasakyan, parang mani na lang ang downpayment sa mga mayayaman. Kaya hindi kataka-taka kung napakarami ngayon ng mga SUV at pickup truck na umaarangkada at dagdag-pasikip sa mga lansangan kasama ng mga naglalakihang trak.

Sabi ng ating kurimaw na mahilig makiangkas, marami sa mga may sasakyan ang napipilitang pumarada sa gilid ng kalsada dahil marami sa mga establisimyento ang walang paradahan. At kung mayroon mang paradahan, ubod naman nang mahal ang singil.

Kung tutuusin, nakasaad sa building code na dapat may parada­han ang mga itinata­yong establisimyen­to bago mabigyan ng permit. Ang problema, hindi ito nasusunod lalo na kung maliit lang ang itatayong gusali.

Ang matindi, may mga malalaking gusali na mayroong mga par­king space pero ubod naman nang mahal ang singil. Kung karaniwang kang emple­yado na mapalad lang na may pang-down sa maliit na uri ng kotse para maging maayos ang biyahe, aba’y sasakit naman ang ulo mo sa parking fee na higit P100 ang singil.

But wait there’s more, mahal na nga ang singil nila sa par­king fee, may nakasaad pa sa kanilang parking ticket na walang pananagutan ang establisimyento sakaling may mangyari sa sasakyan mo o kung mabiktima ka man ng basag-kotse. Aba’y para saan pa at naningil sila kung hindi naman nila babantayan ang sasakyan mo?

Kahit nga ang ilang mall na pupuntahan mo para bumili o manonood ng sine, aba’t “tatagain” ka pa rin sa parking fee kahit pa may binili ka na o kumain sa restaurant na nagrerenta sa kanila.

Kaya naman siguro nararapat na rin na magkaroon talaga ng batas para ma-regulate ang singil sa parking para maprotektahan ang mga motorista. Kahit nga ang ilang lokal na pamahalaan, naniningil ng parking fee sa mga gilid ng kalsada na ubod din ng mahal kapag alam nilang pahirapan ang paghahanap ng parking space. Ang tawag sa mga ito, buwitreng buwisit.

Ngayon, binuhay din muli ang panukala na huwag payagang mairehistro ang mga sasakyan kung walang maipapakitang paradahan sa kanilang bahay. Ang layunin din ng panukala, maiwasan ang pagparada ng mga sasakyan sa gilid ng kalsada na nakakadagdag sa trapik.

Ngunit kung sadyang nais ng mga mambabatas at mga opisyal natin na mabawasan ang trapik sa lansangan, ipagbawal na muna ang bentahan ng mga bagong sasakyan hangga’t walang naitatayong mga bagong lansangan at mga paradahan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”