Una sa Balita

Usapang lalaki pinalabo ni Cayetano

0 390

NAGHAYAG ng agam-agam si Pangulong Rodrigo Duterte kung matutuloy pa ba o hindi ang term-sharing deal sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Ca­yetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Sa isang Instagram story na ipinost ni ABS-CBN reporter RG Cruz, makikita ang isang talumpati ni Duterte para sa ika-42 taong kaarawan ni Velasco nitong Lunes nang gabi sa Lungsod ng San Juan, kung saan binanggit ng Pangulo na nasa kina Cayetano at Velasco na ang bola kung tutupad pa ba sila sa kanilang gentlemen’s agreement para sa liderato ng Kamara,

Sa kasunduang kinasa noong Hulyo, unang maninilbihang Speaker si Cayetano sa loob ng 15 buwan, habang ang natitirang 21 buwan naman ang hahawakan ni Velasco.

“Ewan ko kung ma­tuloy ‘yung kung ‘yan ang usapan term-sha­ring,” wika ni Duterte.

“Nasa inyo na ‘yan if the parties would honor (the agreement),” dagdag pa ng Pangulo.

Giit ng Punong Ehekutibo, hindi niya pipilitin ang mga kongresista, mapa-galing sa kampo nina Cayetano o Velasco na tumayo at ipilit ang una ng napagkasunduan ng dalawa niyang kaalyadong mambabatas.

“I’m not saying that… I’m not forcin­g anybody to take a stand. It’s your choice because the agreement and the choice is yours,” saad ni Duterte.

Nitong Lunes, tahasang iginiit ni Cayetano na gusto niyang pamunuan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso hanggang Hunyo 2022 kesa sundin ang term-sharing deal nila ni Velasco.

“I’m not a hypocrite na when I ran for Congress, I was running also for the Speaker, and I was running for three years of Speakership,” ani Cayetano sa press conference nitong Lunes.

Hirit pa ni Cayetano, kung si Velasco ang nakaupong lider ngayon ng Kamara, malamang na ang iisipin rin nito ay magkaroon ng extension para sa termino.

“Kahit naman baliktarin mo ‘yung tanong, kay Cong. Velasco mo itanong: Would you have rather na hindi ka 21 months, kung hindi, you have rather na three years ka? Ang sagot din niya (malaman), yes” sambit ni Cayetano.

Tiwala naman si Velasco na may bisa pa rin ang gentlemen’s agreement nila ng da­ting Foreign Affairs secretary na mismong si Pangulong Duterte ang nagkasa.

Nagpahiwatig pa ito na puwedeng magkaroon ng pagbabago ng liderato ng Kamara kung wala nang bisa ang kasunduan

“Based on the gentlemen’s agreement, I will see you next year as the next Speaker of the House,” giit ni Velasco.

“Honestly, sa akin, alam ko tuloy pa rin. An agreement is an agreement. A gentlemen’s agreement is a gentlemen’s agreement,” dagdag pa ng kongresista. (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy