Una sa Balita

Sa isyu ng dengvaxia, ‘wag pagharian ng takot, pero ‘wagpalusutin ang may pagkukulang

By
0 640

Dahil sa mga maling impormasyon at opinyon, pinaghaharian tuloy ang maraming mamamayan ng takot at pangamba mula sa isyu sa Dengvaxia. Pati ang mga importanteng programang pangbakuna ng Department of Health (DOH) ay nalalagay ngayon sa alanganin. Ayon sa pinakahuling datos, kung dati, nasa 85% ang mga batang nagpapabakuna laban sa mga sakit tulad ng Polio, Diphtheria, atbp., ngayon ito ay bumaba sa 60%. Lubos na nakakabahala ito. Kung magpapatuloy ito, maraming mga batang Pilipino ang hindi mababakunahan at mawawalan ng sapat na proteksyon laban sa iba’t-ibang karamdaman.

Hindi rin nakakatulong ang pagpasok ng Public Attorney’s Office (PAO) sa isyung ito. Bukod sa mga iresponsableng pahayag ng kanilang pinuno na nagdulot ng ibayong histeria, walang sapat na kakayahan at karanasan ang PAO sa pagsusuri ng mga infectious diseases. Ang mas malala, ayaw makipagtulungan ng PAO sa mga medikal na eksperto. Ayaw din nitong ipakita sa mga eksperto ang resulta ng kanilang imbestigasyon. Dahil dito, marami ang nagdududa sa tunay na intensyon ng PAO. Kung nakipagtulungan lamang ang PAO sa mga medikal na eksperto mula sa University of the Philippines (UP) at Philippine General Hospital (PGH), hindi sana nabahiran ng politika ang kanilang imbestigasyon.

Kailangan ihiwalay ang isyu ng Dengvaxia sa kabuuang vaccination program ng ating pamahalaan. Kailangan maintindihan ng lahat na ang pagbabakuna ay nananatiling isa sa pinakaligtas at pinakamainam na paraan para proteksyunan ang mga bata laban sa iba’t ibang klaseng sakit. Hindi ang kabuuang pagbabakuna ang binubusisi natin dito kundi ang Dengvaxia lamang.

Sa isyung ito, mahalaga na ang sandata natin ay ang katotohanan. Mahalaga na gabayan tayo ng opinyon at karanasan ng mga medikal na eksperto. Ayon sa siyentipikong pag-iimbestiga ng UP-PGH, sa 14 na kaso na mga batang namatay diumano sa Dengvaxia, tatlo lamang dito ang baka may “causal association” o may kinalaman mismo sa pagtuturok ng nasabing bakuna; kaya’t magpapatuloy pa ang kanilang pananaliksik. Malayong-malayo ang inisyal na ulat ng mga eksperto sa imbestigasyon ng PAO na lahat ng 14 na batang namatay ay dahil sa Dengvaxia.

Dahil sa kaguluhang ito, nakakita ng oportunidad ang Sanofi Pasteur, ang pharmaceutical company ng gumawa ng Dengvaxia, na umiwas sa kanyang etikal at legal na responsibilidad. Noong huling Senate hearing, tila nag-iiba na ng tono ang Sanofi Pasteur. Noong aking ipinaalala sa Sanofi Pasteur ang kanilang naunang pahayag sa Senado na magbibigay sila ng sapat na kompensasyon sa pamilya ng mga batang nagkasakit o namatay na may “causal association” sa Dengavaxia, kumambyo ito at sinabing kailangan munang patunayan na may “direktang ebidensiya” ang Dengvaxia sa pagkasakit o pagkamatay ng mga biktima. Bakit? Dahil ba ayon sa mga eksperto, ilan sa mga kasong kanilang sinusuri ay baka may causal association sa Dengvaxia? Magkaiba ang causal association at direct evidence. Ang causal association ay ang pagkakaroon ng kinalaman ng isang bagay sa isa pa. Ang direct evidence ay hindi matatawaran at mapagduduhang ebidensiya ukol sa isang krimen. Mas mahirap patunayan ang pangalawa. Gusto ba tayo padaanin ng Sanofi Pasteur sa butas ng karayom para lamang pangatawanan nito ang kanyang moral at legal obligasyon sa mamamayan?

Nananawagan ako sa publiko na patuloy na bantayan ang mahalagang isyu na ito. Pero bantayan natin ito na may bukas na kaisipan at kaalaman. Huwag tayo padala sa mga maling haka-haka at malisyosong pahayag ng ilang grupo at tao na nais maghasik ng ibayong takot at kaguluhan. Sa isyu ng Dengvaxia, huwag tayo pagharian ng takot at maling impormasyon, pero huwag din natin palusutin ang may mga pagkukulang.

*****

 

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.