Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Usapang Bakuna: Bakit ito Mahalaga?

0 301

Puspusan ang ating mga proyekto sa Tanggapan para makatulong sa mga kababayan nating apektado ng pandemya. Kaakibat nito ang patuloy nating paghimok sa nakararami na magpabakuna laban sa COVID19 dahil ito ang susi ng tuloy-tuloy nating pagbangon, at paglaban sa mapanirang COVID19.

Nitong linggo naglabas ng isang maikli ngunit malaman na mensahe si VP Leni Robredo para sa ating mga kababayan tungkol sa bakuna laban sa COVID19. Sa dami ng kailangang pagtuunan ng pansin ngayong pandemya, bakit nga ba mahalagang pag-usapan ito?

Ayon sa mga eksperto, kailangang mabakunahan ang 75-80% ng mga Pilipino o higit 80 million na mga indibidwal para magkaroon tayo ng tinatawag na herd immunity. Ang herd immunity ay isang paraan para maproteksyonan ang isang populasyon mula sa impeksyon. Kapag sapat na sa atin ang nabakunahan, bababa ang posibilidad ng impeksyon at hawaan pati na sa natitirang maliit na populasyon na hindi nabakunahan tulad ng mga 18-taong-gulang pababa.

Ang problema, hindi pa nagsisimulang ma-roll-out ang bakuna, marami na sa ating mga kababayan ang natatakot at umaatras. Gaya ng kuwento ni VP Leni, marami ang nangangambang magkakasakit pagkatapos ng ineksyon at iba’t iba pang mga pag-aalinlangan. Paano natin ngayon makakamit ang herd immunity kung marami ang may maling impormasyon tungkol sa pagpapabakuna laban sa COVID19? Heto, pag-usapan natin.

Hindi totoo na ang bakuna ay mag-iinject ng buhay na COVID19 virus sa katawan ng tao. Ang bakuna ay magti-trigger lamang ng immune response para kung sakaling lumapit ang virus sa iyo, alam ng iyong katawan kung paano lumaban. Hindi rin totoo na magkakasakit ng malubha pagkatapos ma-ineksyunan. Ayon sa mga health experts pati na sa kuwento ng mga nakapagpabakuna na, pareho lang ito sa ibang mga bakunang regular nating nakukuha gaya ng mga flu vaccine. Mababang lagnat, minsan may chills, at pangangalay sa parte ng katawan kung saan nabakunahan—ito ang mga sintomas na maari mong maranasan sa tuwing magpapabakuna, pareho lang ng bakuna laban sa COVID19. Wala tayong dapat ikatakot.

Gaya ng ibang bakuna, walang 100% kasiguraduhan na hindi na tayo dadapuan ng sakit. At kung hindi naman tayo ang maaapektuhan ng virus na patuloy na umaaligid, maari tayong maging carrier. Kaya’t payo ng mga eksperto na patuloy pa rin ang pagsuot ng face mask, lagiang paghugas ng kamay, social distancing, at ang pag-iwas sa mga closed spaces. Kaya lalong mahalagang marami tayong makapagpabakuna, para mas lumawak ang sakop ng proteksyon, para mas marami sa atin ang magkaroon ng kakayahang makalaban sa COVID19.

Sa taong 2023 nakikita ng pamahalaan ang pamumuhay nating normal: Ibig sabihin, sa panahong ito natatantsang maaabot natin ang 80 million na Pilipinong nabakunahan. Hamon ni VP Leni na sana’y mas maaga pa rito. Lahat ng Pilipino naghirap ngayong pandemya: Mga nawalan ng trabaho, mga estudyanteng hanggang ngayon hindi pa makapasok sa eskuwelahan, mga establisyimentong hindi makabangon, at marami pang iba. Pero hindi ito nakasalalay lamang sa ating mga liders, kung hindi sa bawat Pilipino—sa akin, sa amin dito sa Tanggapan, sa iyo na nagbabasa nito, sa mga miyembro ng iyong pamilya, sa inyong mga kapitbahay, at sa iyong buong barangay.

Kailangan pagtulung-tulungan natin ito. Kailangan tumulong ka para dumami ang magtiwala sa bakuna dahil ito ang paraan para makausad tayo mula sa pandemya. Kailangan maging kasangkapan tayong lahat ng tamang kaalaman, hindi ng pangamba.

Ito na ang pinakaaantay nating solusyon sa problemang ating sinimulang kaharapin halos isang taon na ang nakalilipas. Sa loob ng panahong ito, ubos-ubos ang ating pag-asa. Ngayon na nandito na bakuna, huwag nating palampasin ang pagkakataong maging bahagi ng solusyon na magdadala sa ating pinakaasam-asam na “better normal” para sa lahat.

Sabi nga ni VP Leni: “Noong nabalitaan talaga natin [na parating na ang vaccine] parang nagbago. Nagbago ang ating pakiramdam. Naging hopeful tayo na magkakaroon na ng bakuna. Parang very uplifting na hindi na lang parang response and survival mode tayo kasi ang news of the vaccine parang may clear pathway na na long-term. Parang mayroon nang light at the end of the tunnel.”

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.