Una sa Balita

USA kontra France sa World Cup q’finals

0 282

NAKUMPLETO na ang bracket para sa final phase ng FIBA Basketball World Cup 2019 matapos ang resulta ng mga laro sa Second Round Lunes ng gabi kung saan sumampa ang Czech Republic at nagtatanggol na kampeon na USA sa makikipagbakbakan sa quarterfinal round.

Ipinagpatuloy ng back-to-back defending champion USA ang kanilang walang talong kampanya sa Beijing matapos iuwi ang 89-73 panalo kontra Brazil upang upuan ang pinakamataas na puwesto sa Shenzhen-based Group K, kung saan umusad din ang Czechs kahit na nalasap nito ang 77-84 kabiguan sa Greece sa huling laban.

Bilang topnotcher sa Group K ay sasagupain ng Gregg Popovich-coached Team USA sa quarterfinals ang nasa second place sa Group L team na France sa Dongguan.

Ang Czech Republic ay uusad sa kabilang bracket kontra sa nanguna sa Group L na Australia sa Shanghai.

Ang dalawang iba pang quarterfinal pairings ay nakumpleto noong Linggo kung saan ang nanguna sa Group I na Argentina ay sasagupain ang Serbia sa Dongguan Martes ng hapon at ang hindi pa din nabibigo na Spain mula sa Group J na makakatapat ang Poland sa Shanghai.

Tinanghal na kampeon noong 2010 at 2014 edisyon ng FIBA Basketball World Cups, ang defending champion USA ang nakalinya para maging unang bansa na nakapagwagi sa Naismith Trophy sa tatlong magkakasunod na torneo.

Ang pinakamalaking World Cup na naorganisa na inimplementa ang bagong 32-team format ay matatapos naman sa Setyembre 15 kung saan ang kampeon ay kokoronahan sa Wukesong Sport Arena sa Beijing.

Habang ang walong quarterfinalists ay nakatutok sa pagsungkit sa Naismith Trophy, may dagdag na motibasyon para sa European countries na sasagupa para sa huling dalawang direktang Olympic qualification ticket.

Nasiguro ng Argentina at United States nitong Lunes ang kanilang estado bilang best-ranked team mula sa Americas region sa World Cup upang masungkit ang direct qualification habang ang Nigeria (Africa), Iran (Asia) at Australia (Oceania) ay nakakuha din ng silya bilang “Best in Region.” (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy