UP HONOR INALMAHAN!


Kinuwestiyon ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang plano ng pamunuan ng University of the Philippines (UP) na pagkalooban ng honorary doctorate degree ang Pangulo.

Kapwa nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sina Supreme Court (SC) spokesperson Theodore Te at Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat sa plano ng UP Board of Regents na kilalanin si Duterte sa paniniwalang naghihikayat ito ng impunity at pinahihintay ang rule of law sa bansa.

“I rise in my personal capacity as a UP alumnus twice over, a former tenured faculty member, a former VP for Legal Affairs, a taxpayer, and a Filipino to express how offended I am that my University and my College would even think of conferring this highest of honors on one who, more than any in recent history, has encouraged impunity and weakened the rule of law,” ayon kay Te, dati ring human rights lawyer at kasalukuyang SC assistant court administrator sa kanyang post sa Facebook noong Martes ng gabi.

Una nang idinepensa ni UP BOR member Frederick Mikhail Farolan ang planong pagkakaloob ng honorary Doctor of Laws degree, dahil isa umano itong tradisyon sa UP na bigyan ng katulad na karangalan ang isang Presidente pero tumutol si Te.

Sa panig ni Baguilat, sinabi nito na, “sobrang obvious naman na nagsisipsip ang UP leadership.”

“With due respect to the President, ano nagawa n’ya sa UP as a system at sa komunidad na dapat parangalan siya?” tanong pa ni Baguilat na sinabayan nito ang protesta ng mga estudyante ng UP sa plano ng kanilang liderato.

Sa katotohanan aniya, ang UP bilang academic institution ay nagtataguyod ng kalayaan, karapatang pantao at demokrasya at ito umano ang paninindigan na hindi dapat suwayin ng kanilang komunidad.

Hindi aniya dapat kalimutan ng UP na bukas si Duterte sa Martial Law dahil makailang beses na niya umano itong inilu­lutang at ilang beses na rin umanong sinabi ng Pangulo na walang human rights sa mga kriminal.

Kaugnay nito, malugod na tinanggap ng palasyo ng Malacañang ang plano ng UP na pagkalooban si Pangulong Duterte ng honorary degree pero hindi umano naghahabol dito ang Pangulo.

“Although he doesn’t run after awards, it would be a sign of goodwill from the premier institution. It’s quite an honor to receive that,” paghahayag ni presidential spokesperson Ernesto Abella sa news briefing kahapon.


Nabatid na inihayag ni UP Board of Regents (BOR) Chairperson Patricia Licuanan na pagkakalooban ng UP ng honorary degree o honoris causa si Duterte bilang bahagi ng tradisyon pero inalmahan ito ng mga kritiko ng Pangulo.

Samantala, to the rescue naman si presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa kanyang ama na inaakusahang hindi karapat-dapat pagkalooban ng Honorary Doctorate Degree ng University of the Philippines (UP).

Para kay Paolo wala nang karangalang tataas pa na maaaring ipagkakaloob sa kanyang ama kundi ang maluklok itong Pangulo ng bansa.

Binigyan-diin pa ni Paolo na habang lumalaki ay itinuro sa kanila ng amang si PDU30 ang halaga ng edukasyon.

Sinabi pa ni Paolo na sa pagkakakilala niya sa ama ay wala itong pakialam sa kung anumang “honorary degree” lalo na’t alam niyang hindi niya ito pinaghirapan.

Chiz hugas-kamay

Nilinaw naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na hindi siya ang nagsulong para pagkalooban ng honorary degree sa UP si Pangulong Duterte.

Ginawa ni Escudero ang pahayag matapos u­malma ang maraming estudyante at alumni ng UP sa naging alok ng Board of Regents (BOR) na pagkalooban ng Doctor of Laws, honoris causa degree si Pangulong Duterte.


SHARE