Una sa Balita

Union Bell ulit sa 2nd Leg Juvenile Race ‘19

0 318

MULING pinatunayan ni Union Bell na siya ang bagong tigasing batang kabayo tapos ilampaso ang mga katunggali sa 2019 PHILRACOM 2nd Leg Juvenile Fillies & Colts Stakes Race nitong Linggo sa Metro Turf, Malvar-Tabauan City, Batangas.

‘Di pinaporma ni Union Bell si Four Strong Wind na gustong mauna at makakuha ng malaking bentahe.

Kinapitan siya ng Union Bell at bago dumating ng far turn ay kinuha nang tuluyan ang bandera.

Nagbalak kumapit ni Four Strong Wind kasama si Exponential pero buo ang loob ni Union Bell at lalo pang umigkas para makalamang ng dalawang kabayo papasok ng huling kurbada. Uma­bot pa sa tatlong kabayo ang nilamang ng Union Bell sa rektahan.

“Sobra galing ni Union Bell, tingin ko malaki ang tsansa na mananalo pa rin siya sa susunod,” masayang sabi ni former Philippine Sportswriters Association Jockey of the Year Jonathan B. Hernandez.

Nasilo ni Union Bell ang P600,000 na premyo tapos irehistro ang impresibong 1 minuto at 23.8 segundo sa 1,400 meter race.

Segundong dumating si Four Strong Wind at nakopo ang P225,000, tersero si Exponential na humamig ng P125,000 habang pang-apat si Carmela’s Fury na nag-uwi ng P50,000. Kumubra din sina fifth at sixth placers Our Secret at Prime Time Magic ng P25,000 at P15,000, ayon sa pagkakasunod.

Nabiyayaan naman ng P30,000 ang breeder ng winning horse mula sa Phili­ppine Racing Commission.

Si Union Bell din ang nagwagi sa 1st Leg na pinasibat nakaraang buwan. (Elech Dawa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy