Una sa Balita

Union Bell haharurot sa Triple Crown series

0 384

TINAPOS ni Union Bell ang taong 2019 na walang talo, pinakahuli ang pananalasa sa 2019 Philippine Racing Commission (Philracom) Juvenile Championship kamakailan sa San Laza­ro Leisure Park sa Carmona, Cavite sapat para ideklara siya ng kanyang stable na handa na para sa Triple Crown series ngayong taon.

Nakamit ni Union Bell (sakay si jockey Jonathan B. Hernandez) ang ikaapat na sunod na panalo sa Juvenile series para sa mga two-year-old horse para kunin ng owner nitong si Elmer de Leon ang championship purse na P1.5 million.

Sinimulan ng two-year-old colt ang ratsada sa bisa ng five-length win sa 1st leg ng Juvenile Fillies and Colts Stakes Race sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite noong Oktubre, at sinundan pa ng tagumpay sa 2nd leg na ginanap naman sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas noong Nobyembre.

Kinumpleto ni Union Bell ang hat trick nang magwagi rin sa Juvenile Colts Stakes Race sa San Lazaro Leisure Park nitong Disyembre at isinunod pa ang last race ng Philracom bago tumiklop ang taong 2019.

“Ready na ito sa Triple Crown, mas maga­ling ito this year,” sabi ni Hernandez.

“Ang instruction sa akin, bahala na lang ako, so ang desisyon ko, inuna ko na noong magkaroon ng pagkakataon, para at least, kapag gumigil siya, nasa harapan ko siya.”

Pumangalawa si Exponential (jockey PM Cabalejo/owner Raymund Puyat) para sa P562,500 premyo at tersero si Lucky Savings (jockey JA Guce/ owner Antonio Coyco) na may premyong P312,000.

Ipinagkaloob ni Philracom Executive Director Andrew Rovie Buencamino ang tropeo sa winning connection ni Union Bell sa pangu­nguna nina De Leon at Hernandez.

Nagbigay ang Philracom ng total guaranteed pot na P2.5 million sa naturang 1,600-meter race.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More