Undocumented Pinoys sa Saudi nag-uuwian na

By ,

Sinalubong ng mga opisyal ng Overseas Welfare Workers Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang 331 na bilang ng overseas Filipino worker (OFW) ang dumating sa bansa mula sa Riyadh at Jeddah sa magkahiwalay na flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kamakalawa ng umaga sa Pasay City.

Naunang dumating na batch sa NAIA Terminal 1 ang 229 na mga OFW mula sa Jeddah kahapon ng alas-6:05 ng umaga sakay ng Philippine Airlines (PAL) flight PR-663.

Habang bandang alas-10:05 ng umaga dumating ang ikalawang batch na 102 Pinoy workers na nagmula naman sa Riyadh at sakay ng Philippine Airlines flight PR-665.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, ang mga naturang bilang na mga OFWs na dumating ay kabilang pa rin sa mga napagkalooban ng amnestiya ng gobyerno ng Saudi Arabia.

Sinabi ni Cacdac, tuluy-tuloy pa rin dumara­ting sa Pilipinas ang mga undocumented OFWs na nabigyan ng amnestiya na bahagi ng kabuuang ng 7,000 na nagpasailalim sa programa ng Saudi government.

Dahil dito, aabot na ngayon sa 6,001 ang kabuuang bilang ng mga undocumented OFW na napapauwi na simula nang magbigay ng amnestiya ang Saudi gov’t.

Aniya, aasahan pa nila ang mga undoc OFWs na makakauwi sa bansa sa mga susunod na panahon.

Dagdag pa ni Cacdac, ang mga dumating na mga manggagawa kahapon ay pansamantalang tutuloy sa halfway house ng nasabing ahensiya habang ipino-proseso ang kanilang mga benipisyo na ipakakaloob ng OWWA at ng DFA.

Samantala, nakatakdang dumating sa bansa sa susunod na linggo ang 600 panibagong bilang ng mga OFWs mula sa KSA.

Ayon kay Undersecretary Dominador Say, ang 600 stranded at undocumented OFW sa nasabing bansa ang mapapauwi ng gobyerno sa mga susunod pang linggo.


“Patuloy ang aming hakbangin sa pagpopro­seso ng mga travel document ng mga stranded na OFW sa Saudi.

Hinihikayat namin sila na samantalahin ang pagpapalawig ng amnestiya at agad na magpatala para dito at kami na ang bahala sa proseso ng pagpapauwi sa kanila,” panawagan ni Say.

Matapos na isapinal ang mga iskedyul ng flight sa mga opisyal ng Philippine Airlines, sinabi ni Say na mayroon ng 600 OFWs mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang napauwi na sa bansa mula noong Hulyo 7 hanggang 9.

Maliban sa nasabing bilang, mayroon pang 400 OFWs sa Saudi ang nakapagpatala sa amnestiya subalit nakabili na ng kanilang sariling tiket pabalik sa Pilipinas dahil mawawalan na ng bisa ang kanilang visa at ang iba naman ay nakahanap na ng bago nilang employer at nagdesisyong manatili na lamang sa Middle East.

Sa kabilang dako, lubos na hinihikayat ni Say ang mga natitira pang stranded at undocumented OFW sa Saudi na samantalahin ang pinalawig na amnestiya dahil sa oras na matapos na ang programa ay agad ding magsisimula ang paghuli at pag-aresto ng mga awtoridad ng Saudi sa mga hindi dokumentadong dayuhan.

Sinabi pa ng opisyal ng DOLE na nagpadala na si Labor Secretary Silvestre H. Bello III ng augmentation team sa Saudi noong Hulyo 11 upang makatulong sa mga OFW na kukuha ng amnestiya at mapabilis ang pagpoproseso ng kanilang papeles.

Magugunitang nagtapos na ang pagpapatupad ng 90-day amnesty program ng Kingdom of Saudi Arabia para sa mga undocumented na dayuhan na may temang ‘A nation without violators’ noong Hunyo 25, 2017. (Kate Aguilar)

SHARE