Una sa Balita

Unang sigaw ng himagsikan sa Kabisayaan

0 584

Lagi kong naiisip noon na tila tuyo ang buwan ng Oktubre sa mga ani­bersaryo ng mahaha­lagang pangyayari sa pambansang pangkasaysayan. Ngunit ‘yan ay kung yaong mga sikat na pangyayari lamang sa Luzon ang ating titingnan. Sapagkat mayroong dalawang mahalagang ambag ng Visayas sa kasaysayan ay nangyari ngayong Oktubre.

Ngayong araw mismo ang ika-75 anibersaryo ng pag­lunsad ni Heneral Douglas MacArthur sa Leyte na naganap noong Oktubre 20, 1945. Para sa marami, ikutang pangyayari ito na nagsimula ng muling pagbabalik ng mga Amerikano, tulad ng ipinangako ni MacArthur nang pilitin siyang umalis ng kanyang mga pinuno tatlong taon ang nakalilipas, at pagsama nila sa pambansang liberasyon o pagpapalaya ng Pilipinas na isinasagawa na ng mga gerilyang Pilipino sa mga panahong wala sila. Ang pinagsamang lakas na ito ng Pilipino at Amerikano ang nagdala sa ating sa tagumpay ng digmaan.

Ngunit ang isang pangyayaring hindi gaanong nababanggit ngunit napakahalaga rin ay ang nangyari sa bayan ng New Lucena sa Iloilo.
Ang Iloilo, tulad ng Pampanga, ay ang isa sa mga paboritong lalawigan ng mga Espanyol dahil sila ang mga pinagmulan ng mga kawal na umanib sa puwersa nila. Sa katunayan, nang magsimula ang Himagsikan ng Andres Bonifacio noong 1896, marami ang nag-volunteer na mga Ilonggo para labanan ang itinutu­ring nilang kataksilan ng mga taga-Maynila. Kaya nililinaw natin na bagama’t ang partisipasyon sa Katipunan ay nagmula sa maraming lalawigan, ang mga labanan ng Himagsikang 1896 ay nangyari karamihan sa Luzon. May nagsabi na tuluyan nang babagsak ang Espanya kung ang Panay at Pampanga ay babaligtad na sa mga Espanyol.

Noong Hunyo 4, 1898, nag-alsa sa wakas ang Pampanga, ilang araw bago iproklama ni Emilio Aguinaldo ang Independensya sa Kawit, Cavite. Sa Iloilo, marami nang matagal na mulat at nagbabalak, isa na rito ang inatasan ng mga Espanyol na mamuno sa mga boluntaryo sa Santa Barbara na si Martin Teofilo Delgado, na mas kilala sa tawag na Tan Martin, kaso, nagni-ninja moves na pala si kuya. Lihim pala siyang nagnanakaw ng mga armas ng mga Espanyol para sa mga rebolusyunaryo sa Iloilo. Sa takdang oras, Oktubre 1898, sa kadahilanang manghuhuli raw ng magnanakaw ng kalabaw at baka, dinala ni Tan Martin ang 125 tao niya sa baryo ng Hilicuon, at kinumbinsi niya ang mga tao na mag-alsa, Sumigaw sila ng “Viva Filipinas! Fuera España!” (Mabuhay ang Pi­lipinas, palayasin ang Espanya). Ang sigaw sa Hilicuon ang unang sigaw ng himagsikan sa labas ng Luzon at sa Kabisayaan. Pagda­ting ng Nobyembre 17, 1898, itataas ni Tan Martin ang pambansang bandila sa Santa Barbara, Iloilo, hudyat ng pagkilala niya sa pambansang pamahalaan sa Malolos.

Ang kasaysayang ito ay ipinagdiriwang ng bayan ng New Lucena sa mismong araw ng anibersaryo, Oktubre 25 kung saan gaganapin ang paligsahan sa pinakamagandang re-enactment ng pangyayari.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy