Una sa Balita

Unang gold ng ‘Pinas tinalon ni Caminong

By
0 1,207

NAIHATAG ni Evangelene Caminong ang unang gold medal sa Team Philippines nang mamayani sa girl’s high jump event sa 2018 ASEAN Schools Games nitong Sabado sa Mini Stadium sa Bukit Jalil, Kuala Lumpur, Malaysia.

Naitala ng 17-anyos mula sa San Vicente, Palawan ang taas na 1.74 meters para laktawan ang mga karibal na sina Prangthip Chitkhokkruad ng Thailand (1.72m) at kasanggang si Alexie Mae Caimoso (1.69m).

Nalagpasan din ni Caminong ang personal best na 1.71 meters.

“Hindi po ako makapaniwala. Sobrang saya ko po (I’m still in awe. I’m really happy),” bulalas ni Caminong.

Impresibo ang pagtaas ng performance ni Caminong na natalo ni Caimoso sa secondary event sa 2018 Palarong Pambansa nitong Abril sa Vigan City, Ilocos Sur.

Bilang debutante sa international competition, iginiit ni Caminong na sapat na sa kanya ang mapabilang sa Philippine delegation at ang pagwawagi ay maituturing na bonus para sa mga taong may tiwala sa kanyang kakayahan.

“At first, I wasn’t pressured to win. But I don’t know as the competition came I felt it was my obligation to do my best,” aniya.
Ayon sa Grade 12 student ng Nazareth School of National University, sumailalim siya sa matinding pagsasanay matapos ang Pa­laro sa pangangasiwa ni coach Fernando Dagasdas PhilSports Arena, Pasig City.

“I hope this win serves an inspiration to my fellow Pinoy athletes to strive their best in their games,” aniya pa.

Ipinahatid din niya ang pasasalamat sa suportang ibinigay nina Cong. Jenny Barzaga at Dasmariñas City Mayor Elpidio Barzaga.
Hangad niyang ma­dugtungan ang kasiyahan ng delegasyon sa kanyang pagsabak sa 100m hurdles sa Martes.

Kabilang sa mga opisyal na nag-cheer sa delegasyon ay sina Education Undersecretary Tonisito Umali at Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond Ma­xey.