Una sa Balita

Unang aberya ng MRT 3 ngayong Oktubre, 850 pasahero pinababa

By
0 133

MAKALIPAS ang 15 araw na walang sira ay muli na namang nagkaroon ng aberya ang isang tren ng Metro Rail Transit (MRT) 3 matapos na makaranas umano ng electrical failure at pababain ang may 850 pasahero sa southbound ng Guadalupe station sa Makati City kahapon ng umaga.

Base sa paliwanag ng pamunuan ng MRT 3, nakaranas ng electrical failure ang motor ng isa nilang tren dakong alas-6:23 nang umaga dahilan upang tumirik ito pagsapit sa southbound ng Guadalupe station.

Agad namang pinababa ang tinatayang 850 pasahero ng tumirik na tren at pinaghintay ng susunod na biyahe na tumagal ng siyam na minuto bago ang kasunod na tren.

Dagdag pa ng MRT-3, posibleng luma na ang electrical sub-components ng tren kaya ito nagkaroon ng electrical failure.

Ito ang kauna-unahang aberya ng MRT 3 nga­yong buwan ng Oktubre o tinatayang 15 araw na walang aberya, matapos ang huling pagtirik nito noong Setyembre 30 ng taong ito.