Una sa Balita

Unahin ang kapakanan ng mga guro

0 474

Kahapon, mahigit 200,000 mga guro po ang kumuha ng Licensure Examination for Teachers o LET na pinangasiwaan ng Professional Regulation Commission (PRC) sa 27 testing centers nito sa buong bansa.

Hindi na po nakapagtataka ang napakalaking bilang ng examinees sa LET dahil taon-taon, halos 800,000 ang enrol­lees sa mga College of Education. Katumbas po ito ng 20% ng lahat ng mag-aaral sa iba’t ibang kurso sa kolehiyo; pangalawa sa mga business education course.

Subalit ikinakabahala po natin ang napa­kababang passing rate sa LET na nasa 30% o tatlo sa bawat sampung examinees lang ang pumapasa kung susumahin ang resulta ng LET sa nakalipas na sampung taon.

Malinaw po ang nakasaad sa ating batas, ang Republic Act 7836 o Teachers’ Professio­nalization Law, na ta­nging ang may lisensiya lamang ang papayagang makapagturo sa pampubliko o pribadong paaralan man.

Bukod sa dagdag na gastos sa exam application sa PRC at tuition sa mga review center, nauudlot din po ang pagkakaroon ng trabaho ng mga guro dahil karamihan sa kanila ay hindi makapasa sa LET at walang lisensya.

Mayroon pong domino effect sa ating ekonomiya kapag ang isang education graduate ay pumasa sa LET at magkatrabaho lalo pa’t halos may isang guro sa bawat pamilyang Pilipino.

Kaya nakakalungkot po na taon ang binibilang ng maraming guro para makapasa sa board exam samantalang halos apat na taong iginapang ng kanilang magulang ang kanilang pag-aaral para makakuha ng diploma sa Bachelor of Science in Education o Bachelor in Elementary Education at iba pang kaugnay na kurso.

Kung magagawa pong sapat at de-kalidad ang pre-service training ng mga guro, hindi po kaya dagdag na pahirap lang ang pagkuha nila ng board examination? Hindi po kaya napapanahon na para pag-aralan kung paanong higit na makakatulong ang review center industry sa pag-aangat ng kompitensi ng ating mga graduate?

Sa ginawa nating pagdinig sa Committee on Higher, Technical and Vocational Education sa Senado, inamin po mismo ng CHED na ‘incompatible’ o hindi tugma ang curriculum at ang assessment system ng PRC.

Ito po ang nais tugunan ng isinabatas nating Republic Act No. 10968 o ang Philippine Qualifications Framework (PQF) Law na nag-uutos sa nasabing mga ahensiya na reb­yuhin ang assessment system para maitugma ito sa pangangailangan ng education at trai­ning system sa bansa.

Pagtutuunan po natin ng pansin ang koordinasyon sa pagitan ng CHED, PRC at DepEd at patuloy din po na­ting sisiyasatin sa mga State Universities and Colleges ang mga prog­rama nilang magpapataas ng kahandaan ng mga teacher education graduate hindi lang po para sa LET kundi sa larangan ng pagtuturo.

Dapat pong unahin ang kapakanan ng ating mga guro sa u­nang araw pa lang nila sa College of Education sapagkat sa hinaharap, sila ang magiging tagapaghubog ng mga manggagawa’t propes­yunal gayundin ang mga susunod na lider ng ating bansa.

Sa mga gurong nagsumikap at nagsunog ng kilay para sa katatapos na LET, dalangin po natin ang katuparan ng inyong pangarap at pagkamit ng lisensiyang inaa­sam-asam.

Job Fair Schedule:

Provincial Job Fair—Municipal Covered Court—Majayjay, Laguna—September 30
Libona Job Fair—Libona Covered Court, Bukidnon—October 1
Meycauyan Job Fair—Meycauyan Convention Center, Bulacan—October 4
senatorjoelvillanueva@yahoo.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy