Una sa Balita

Unahin ang kaligtasan

0 285

Nakakabahala ang patuloy na kaguluhang nangyayari ngayon sa Libya.

Ang masaklap, dahil sa patuloy na karahasan partikular ang pag-atake ng Libyan National Army ay isa nating kababayan ang nasapul.

Ito ay kinumpirma mismo ni Chargé d’ Affaires Elmer Cato.

Ang hindi na pinangalanang Pinoy worker ay ang kauna-unahang biktima ng kaguluhang nangyayari sa Tripoli simula nang sumiklab ang karahasan noong unang linggo ng Abril.

Maliban sa ating kababayan na kasama sa 20 sugatan ay may apat pang nasawi sa nasabing atake.

Ang pangyaya­ring ito ay magsilbing panggising sana sa ating mga kababa­yang patuloy na nagmamatigas na manatili sa Libya.

Related Posts

Nawa’y maisip ng mas marami nating kababayan na umuwi na muna ng Pilipinas habang nasa kainitan pa ang kaguluhan sa Tripoli.

Alam nating maha­laga ang kabuhayan sa mga kababayan nating OFW pero sa pagkakataong ito ay mabigyang importansiya sana nila ang kanilang kaligtasan.

Aanhin natin ang kinikita sa dayuhang bansa katulad ng Libya kung nasa balag naman ng alanganin ang ating buhay.

Kaya tayo ay nakikiisa sa ating gobyerno sa pa­nawagan sa ating mga kababayan na umuwi na ng bansa.

Tutal ay may prog­rama ang ating pamahalaan na nagpapauwi ng mga kababayan nating manggagawa sa Libya nang libre sana ay samantalahin na natin ito habang wala pa sa kritikal ang lagay ng giyera.

Huwag na nating hintaying lumala pa ang sitwasyon saka natin maiisip na bu­malik ng Pilipinas dahil baka lalong maging masalimuot at hindi malayong maghatid pa ng mas malaking gastos sa ating gobyerno.

Kaya ngayon pa lamang ay makipag-ugnayan na dapat ang mga kababayan nating OFW na nasa Libya sa embahada ng Pilipinas sa Tripoli para maayos na ang kanilang pagbabalik bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy