Una sa Balita

Umpisahan ang kaligtasan sa kaalaman

0 447

Dalawang linggo na ang nakaraan mula nang makaramdam tayo ng sunod-sunod na malalakas na paglindol sa buong bansa—Luzon, Visayas at Mindanao.

Isa sa mga lubos na kinatatakutang sitwasyon ay ang lindol dahil sa matinding pinsalang idinudulot nito sa ating kalikasan, tahanan at lalo na ang buhay na maaari nitong bawiin. Lahat ng ating pinaghirapan ay posibleng mawala na lamang lahat sa isang iglap.

Isa pang nakakatakot na epektong dulot nito ay ang matataas na alon sa dagat o mas kilala bilang tsunami na nagsasanhi ng aksidente, pagkalunod o pagkamatay ng tao.

Sa ganitong mga pagkakataon na hindi natin alam kung kailan dara­ting ang sakuna, ano-ano ba ang mga dapat gawin at alalahanin upang maproteksyunan ang ating mga anak o batang mag-aaral habang sila ay nasa eskuwelahan?

Palaging paalala sa atin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mainam na tayong nakatatanda muna ang dapat maging handa. Paano nga naman natin sila mapoprotektahan kung tayo mismo ay hindi alam ang tamang pag-aksyon.

Ayon sa Citizens’ Disaster Response Center (CDRC), tandaan na kapag may lindol, unahing protektahan ang sarili tulad na lamang ng pagkapit, pagdapa, paghawak sa ulo at magtago sa ilalim ng mesa o upuan. Mahalaga rin na nakahanda parati ang mga emergency kit para sa sarili at sa mga bata. Higit sa lahat, magsagawa ng mga earthquake drill at sana ay makilahok ang lahat at huwag itong ipagsawalambahala.

Napakahalaga na maging handa ang mga estudyante anumang oras. Kaya naman, ang ating suhestiyon sa ating mga guro ay maglaan ng oras sa klase na ituro ang mga ito sa kanilang mga estudyante. Hinihikayat na maipaliwanag at maipaintindi sa kanila na hindi lamang ang sanhi at bunga ng lindol ang kailangan nilang malaman kundi ang mga angkop na aksyon para mailigtas ang sarili kung may dumating mang sakuna.

Huwag natin isantabi ang kaligtasan ng bawat isa. Patuloy sana nating hikayatin ang ating mga pamilya, kapitbahay, kamag-anak, kaibigan, kamag-aral at katrabaho na kumilos at maging res­ponsable sa usaping ito.

Kahandaan ang unang magliligtas sa atin mula sa kapahamakan. Sa edukasyon nag-uumpisa ang pagiging handa. Habang bata pa, matutong maging alerto at huwag maging pabaya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy