Una sa Balita

Umiwas sa mga sakit na dulot ng mainit na panahon

0 339

Pumalo sa 51.7 degrees Celsius ang heat index sa Dagupan City, Pangasinan habang ipinagdiriwang ng bansa ang Araw ng Kagitingan nitong Martes.

Tumaas din ang temperatura sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas kabilang ang 46.2 degrees sa Cuyo, Palawan, 43.5 sa Tuguegarao City, 43.1 degrees sa Daet, Camarines Norte at Calapan, Oriental Mindoro, 42.6 sa Sangley Point sa Cavite, at 42.6 degrees sa Catbalogan, Samar. Samantala, sa Pasay City dito sa Metro Manila, umabot ng 42 degrees ang init ng panahon.

 Malaki ang epekto ng pagtaas ng init ng panahon hindi lamang sa agrikultura at kalikasan kung hindi maging sa ating buhay at kalusugan. Kailangang maging handa ang bawat mamamayan upang maiwasan ang magkasakit ngayong tag-init.

 Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng Department of Science and Technology (DOST), ang naranasang init mula Dagupan City hanggang Pasay City ay nasa delikadong antas na kung saan pwedeng magkaroon ng heat cramps, heat exhaustion at posibleng heat stroke pag tuloy-tuloy ang exposure sa sobrang init.

Inaasahan ang patuloy na nararanasang init sa kabuuan ng tag-init ngayong taon. Ngayong Semana Santa, maging maagap tayo sa pag-iwas sa mga posibleng sakit dulot ng sobrang init. Ayon sa PAGASA, mas makakabuting nasa loob ng bahay o lilim lalo na sa pagitan ng 11 ng umaga hanggang alas tres ng hapon dahil sa sobrang init.

Uminom din ng maraming tubig upang hindi ma-dehydrate ang katawan.

Ang Department of Health (DOH) ay naglabas na rin ng advisory na nagpapayo sa ating mga kababayan na umiwas na magkaroon ng heat stroke dahil sa sobrang taas ng heat index na nararanasan sa buong Pilipinas ngayon.

Ayon sa pamunuan ng DOH, ang heat stroke ang pinakamalalang klase ng tinatawag na “heat illness” kung saan nag-o-overheat ang katawan ng tao at nahihirapang mag-cool down. Hindi mailabas ng pawis ang init sa katawan dahil masyadong dehydrated ang katawan o exposed sa maalinsangan na panahon. Sa ganitong pagkakataon, ipinapayo ng DOH na umiwas magbilad sa init ng araw, at hanggat maaari ay huwag munang mag ehersisyo ng mabigat.

Ang mga high-risk na magkaroon ng heat stroke ay ang mga maliliit na bata, mga senior citizens, atleta at mga taong nagtatrabaho sa labas ng opisina at nasa lansangan.

Ayon sa DOH, ang heat stroke ay maaring magsimula kung ikaw ay nakakaramdam ng heat exhaustion, namumula ang balat, nahihilo, nanglulupaypay, nanghihina, masakit ang ulo, may mataas na lagnat (40-41 degrees Celsius), mabilis na tibok ng puso, pagkawalan ng malay at kombulsiyon. Sa unang simtomas palang ng sakit na ito ay pumunta na agad sa pinakamalapit na pagamutan upang malunasan ang karamdaman.

Ang kalusugan ay ating kayamanan. Alagaan natin ang ating sarili at ang buong pamilya upang makaiwas sa heat stroke at iba pang posibleng sakit ngayong tag-init.

Uminom lagi ng tubig, umiwas magbilad sa araw at agad magpakonsulta sa duktor kung may nararamdamang kakaiba sa katawan. Laging tandaan, ang malusog na pamilya ay tanda ng isang maayos, progresibo at malusog na lipunan.

*****

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy