Una sa Balita

Umiral nawa ang kahinahunan

By
0 654

Tuluyan nang nasira ang tulay sa pagitan nina PDu30 at Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Bago sumakay ng eroplano patungong China para sa isang international forum, niresbakan ni PDu30 ang Punong Mahistrado sa akusasyon na ang Presidente ang nasa likod ng ‘ouster move’ kay Sereno.

Hindi naitago ng Pa­ngulo ang pagkairita at idineklarang ‘magkaaway’ na sila ni Sereno.

Sana umiral ang kahinahunan sa pagitan nina PDu30 at CJ Sereno, hindi maganda sa mata ng publiko na ang mga matataas na opisyal ng gobyerno ay nag-aaway.

***

Wala nga bang disiplina ang mga Filipino sa kanyang sariling bayan?

Paglabas pa lamang ng bahay, agad makikita ang pagiging ‘barubal’ ng mga Pinoy. Basurang nakakalat sa kalsada, wala sa ayos na mga bangketa, nakahambalang na mga kariton at sasakyan at maraming iba pa.

Huwag naman ikagagalit ng ating mga kababayan, subalit ito ang katotohanang bumubulaga sa ating lahat paggising sa umaga hanggang sa pag-uwi ng bahay sa gabi.

Kung ang kalsada ang batayan ng kaayusan ng lipunan, masasabing may problema nga ta­yong mga Pinoy pagda­ting sa disiplina.

***

Ang mga awtoridad ay mandato na ipatupad ang mga batas at iba pang ordinansa. Sa Quezon City kamakalawa, nakita ang kawalan ng disiplina ng ilan nating mga kababayan.

Sa mithiin na maayos ang daloy ng trapik sa Commonwealth Avenue na naging mabigat dahil sa konstruksiyon ng MRT Extension, ipinatupad ng MMDA ang isang ‘traffic scheme’ na hindi ikinatuwa ng ilang residente.

Partikular na naapektuhan ang Masaya Street sa Diliman, hindi ‘nasiyahan’ sa bagong sistema ng trapik, nagulo ang kanilang ‘masaya­hing’ buhay.

***

Hindi lamang sa Pilipinas malaking balita ang pag-take over ng Grab sa Uber transport network.

Pasok sa mga ‘headline’ sa mga pangunahing pahayagan sa mga bansang kasapi ng Asean ang pagbili ng Grab sa Uber.

Pangunahing isyu na lumutang ay ang monopolyo sa presyuhan ng pasahe at ‘labor issue’.

Sa kapakanan ng ‘ri­ding-public’, tama lamang na mamagitan ang Philippine Competition Commission sa Grab-Uber merger.

Dapat mabusisi kung ano ang ‘terms and conditions’ ng kasunduan ng dalawang TNVS.

Hindi dapat ma-monopolize ng Grab ang industriyang ito, kawawa naman ang publiko.