Una sa Balita

Ulo ni mister binutas ng bala

By
0 423

ISANG 38-anyos na lalaki ang napatay makaraang barilin sa kanang sentido ng isa sa dalawang suspek habang nakikipagkuwentuhan ang biktima sa tapat ng bahay ng kanyang mga kaibigan sa Tondo, Maynila kamakalawa nang gabi.

Kinilala ni SPO2 Lester Evangelista ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS) ang biktima na si Larry Baguio Borja, na nakatira sa Sta. Margarita St., Tondo.

Nalaman sa imbes­tigasyon na nakita pa umano ang suspek na hawak ang baril na gina­mit sa pamamaslang sa biktima at nakasuot ito ng bullcap at face mask.

Sa pahayag ng kapatid ni Borja na si Rosalinda Baguio, dakong alas-7:15 nang gabi nakita niya pang nakikipagkwentuhan ang biktima sa mga kaibigan nito nang biglang nakarinig siya ng isang malakas na putok.

Nakita niya ang isang suspek na nakasuot ng itim na damit at checkered short pants habang hawak pa ang baril samantalang nakabulagta na ang kanyang kapatid at may dugong lumalabas sa ulo nito.

Kasunod nito ay tinawag ni Baguio ang asawa ng biktima na si Arsenia Borja, na nanonood ng telebisyon sa loob ng kanilang bahay at dinala kaagad nito ang mister sa Gat Andres Bonifacio Medical Memorial Center pero idineklarang patay na ng alas-7:32 nang gabi.

Umalis umano ang dalawang suspek na parang walang nangyari bitbit pa ng isa ang baril na ginamit sa pamamaril.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaslang.