Una sa Balita

Ulo ng rider kumalso sa bus

0 357

Halos lumuwa ang mga mata at utak ng isang motor rider nang mabundol ng rumaragasang pampasaherong bus at ku­malso ang ulo nito sa Quezon City, kahapon nang umaga.

Agad nasawi ang biktimang si Fitch Burch Lado Dela Cruz, 32-anyos, ng Barangay Sta. Monica, Novaliches, habang mabilis na tumakas ang driver ng Golden Dragon Fairview Passenger Bus na si Carmelo Carandang kasama ang hindi pa kilalang konduktor.

Sa imbestigasyon ni PSSgt. Afredo B. Moises ng Traffic Sector 5, dakong alas-6:20 nang umaga nang mangyari ang aksidente sa kahabaan ng Commonwealth Ave., sa Southbound lane sa tapat ng Tin Mark Scaffolding, Barangay Holy Spirit.

Kapwa tinatahak ng naturang bus at motorsiklo na minamaneho ng biktima ang kahabaan ng Commonwealth Ave. patungo sa direksiyon ng Philcoa subalit pagsapit sa tapat ng tindahan ng scaffol­ding ay nabundol ng bus ang motorsiklo ni Dela Cruz.

Pilit umanong lumusot ang nasabing motorsiklo sa kanang linya subalit mabilis ang takbo ng pampasaherong bus at nagulungan ang ulo ni Dela Cruz kasama ng sasakyan. Bagama’t naka-helmet ang biktima ay hindi rin ito umubra.

Tinutugis pa ng mga awtoridad ang driver ng bus at pinuntahan na rin ang kompanyang pinagtatrabahuhan nito. (Dolly Cabreza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy