Una sa Balita

ULAN NG PAGPAPALA: Sana ma-encourage ka sa kuwentong ito

0 2

Kauuwi ko lang mula sa isang meeting na nagaganap nang biglang nakaramdam ako ng pagkahilo. Parang gumagalaw ‘yung mesa at saka ‘yung sahig. Tiningnan ko ‘yung mga kasama ko sa kuwarto. Pare-pareho kami ng mga hitsura. Takang-taka sa una, pero nu’ng ma-realize na lindol ‘yung nangyayari, napadasal na kami.

“Huwag pong mag-panic,” sabi nu’ng tagapagsalita. “Ang building pong ito ay earthquake-proof, patterned after those built in Japan. Medyo nakakahilo lang nang kaunti pero sumasabay tayo sa uga nu’ng lupa. Wala pong dapat ikatakot.”

Nakaka-comfort ‘yung sinabi niya, pero kapag naalala mong nasa 15th floor kayong lahat e nawawala-wala ‘yung ‘comfort’.

Nagpatuloy ‘yung meeting pero hindi ako mapakali. Gusto ko nang umuwi, gusto kong tingnan ‘yung bahay naming luma na at puro crack sa dingding, at kailangan kong gawin ‘yung isyung ito ng Ulan ng Pagpapala.

At siyempre, grabe ang traffic pauwi. Pero ang lahat ng iyan, talbog sa ginawa para sa akin ng Panginoong Jesus nga­yong hapon. Talagang mahal Niya ako.

Nagkaroon bigla ng anunsiyo ang management ng buil­ding na pinapababa na kaming lahat. Ito’y matapos na huminto ang pagyanig. Pinagbawalan kaming gamitin ang elevator at inudyukang mahinahong bumaba at lumabas sa fire exit.

Labinlimang palapag ang bababain ko. Madali lang iyon para sa isang physically fit na tao. Pero sa katulad kong na-diagnose ng degenerative osteoarthritis sa parehong tuhod, imposible po dapat iyon. Unang-una, ang sabi ng doktor ko sa akin, ‘Avoid the stairs’. Ikalawa, bababa lang ako ng bus, kailangan ko pang kumapit sa kundoktor para lang makababa ako nang ligtas.

Related Posts

Nagdasal ako. Nag-aalala na kapag bumigay ang tuhod ko sa alinman sa 15 floors na iyon na kailangan kong hakbangin pababa, stretcher ang aabutin ko. Fifteen floors; bawat pagtupi ng tuhod ko sa bawat hakbang pababa, delikado at tiyak na masakit. Hindi ako umaalis ng bahay na hindi ko dala ang pa­yong kong parang tungkod. At hindi rin ako naghahagdan. Laging naka-escalator, o elevator.

Fifteen floors. Nagulat talaga ako. Nakaya kong bumaba gamit ang normal na paghakbang. May konting sakit at discomfort, pero hindi katulad nu’ng inaasahan ko. Naranasan ko na kasi ‘yung sobrang pain na dulot ng nai-injure na tuhod kapag mali ang hakbang. Ay, sobrang sakit! Talagang masasabunutan mo ‘yung kasama mo, mai-release mo lang ‘yung pain na nararamdaman mo. At pagkatapos, mapapaupo ka na. Hindi ka na makakatayo nang matagal. Hihintayin mong mawala talaga ‘yung sakit bago ka mag-attempt na gumalaw ulit. Gagamit mo ‘yung kasama mo bilang saklay (kawawa naman talaga siya).

Pero kanina, glory to God, wala ni isang ganu’n! Mag-isa akong bumaba ng stairs. Oo, marami kaming magkakasabay pero wala ni isa sa kanilang nagtanong sa akin kung kailangan ko ng tulong. Dahil, mukhang nakakaya ko namang bagtasin ang distansiyang iyon pababa katulad nila.

Nakakatiyak ako. Isang special miracle ang ginawa para sa akin ng Panginoong Jesus nitong hapon na ito; para maibsan ‘yung takot at kaba ko dahil sa lindol na ‘yon na ramdam na ramdam pala kapag nasa tuktok ka ng isang mataas na building.

Miracle nga talaga. Dahil pagsakay ko ng bus pauwi, nagbalik na ako sa ‘normal’. Kinailangan kong humingi ng tulong sa kundoktor para lang maalalayan ako sa pagbaba ng bus nang ligtas. Nandu’n na ulit ‘yung karaniwang sakit ng tuhod ko kapag bumabiyahe ako.

Nagpapasalamat ako sa Panginoon; talagang maaasahan mo Siyang lagi. Hindi ka Niya bibiguin kahit kailan.

Glory to God the Father, the Son, and the Holy Spirit. Amen.

(zayithhebron.wordpress.com)