ULAN NG PAGPAPALA: Pagpapala at pagmamahal sana — hindi poot

By

“Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako’y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan. Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan? Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo na Pa­nginoon natin.” (Roma 7:23-25)

Ang buhay-Kristiyano ay hindi mahirap. Ito’y IMPOSIBLE… kung wala ang kapangyarihan ng Panginoong Jesus sa buhay mo.

Ilang beses ko nang narinig na maipangaral iyan sa pulpito at ako’y sobrang sang-ayon. Lahat ng tunay na nagmamahal sa Panginoong Jesus ay alam ang pakikibakang inilalarawan ng apostol Pablo sa Roma 7:23-25.

Marami kang gustong gawing pagbabago sa buhay mo. Damang-dama mo ang mga kahinaan mo pagdating sa tukso at sa kasalanan, at walang panahong nagdaraan na hindi mo sinasambit sa Diyos na sana’y mas ma­buting tao ka.

Ang karampatang pagsamba at paglilingkod na gusto mong ibigay sa Panginoong Jesus bilang taos-pusong pasasalamat sa Kanya ay hindi mo maibigay-bigay.

Frustrating, ano po?

Pero ang marami ding mga mananampalataya kay Jesus ay natuto na. Sa pagdaan ng mga taon, unti-unti nilang nauunawaan ang kalikasan ng tao. Ang isang nila­lang na tumanggap na ng kaligtasan kay Jesus dahil nagpasiya siyang manampalataya sa Kanya ay hindi pa rin ligtas sa mga atake ng diyablo. Sa totoo lang, dadami ang kanyang mga kalaban. Naririyan ang mga kampon ng kadiliman na pilit siyang pababagsakin upang hindi niya maranasan ang matagumpay na pamumuhay sa piling ni Jesus araw-araw.

At naririyan din ang sarili niyang laman. Ang likas niyang pagiging makasalanan ay magi­ging kalaban niya habang siya’y may hininga dito sa lupa. Ang kumpleto at ganap na paglaya sa lahat ng imahe ng kasalanan sa buhay niya ay magaganap lamang sa kabilang buhay; kapag suot-suot na niya ang glorified body na ipinangako ni Jesus na mapapasakanya sa mu­ling pagkabuhay o resurrection.

Purihin ang Diyos dahil sa mga pangakong iyan. Ang Kristiyano tuloy, bagama’t nakikibaka araw-araw sa kasala­nan, ay makakaranas ng kapayapaan ng isip at kalooban. Ang kabuuan ng pakikibaka niya ay tinapos na ni Jesus doon sa krus nang Siya’y mamatay para sa ikaliligtas ng bawat mananalig sa Kanyang pangalan. Ang pakikibakang ginagawa na lamang ngayon ng mananampalataya dito sa buhay na ito ay ang araw-araw na paglilinis sa kanya ng Banal na Espiritu; isang proseso ng paglilinis at pagpapabanal na magtutuloy-tuloy hanggang sa makita niya ang Panginoong Jesus nang mukhaan.

Yung frustration, mararamdaman mo iyon dahil in love ka kay Jesus. Natural na resulta iyon ng mataas na pagpapahalaga sa Anak ng Diyos. Pero sa taimtim sa pananalangin, araw-araw na pagpapasakop sa gabay ng Holy Spirit, nagkakaroon ka ng comfort; ng joy o kagalakan. Hindi iyan maipaliliwanag nang sapat ng sinuman.


Kaya kaibigan, sobra kitang hinihikayat na makiisa sa lakbaying espirituwal na matagal nang iniaalok sa iyo ng Banal na Espiritu. Kung hindi iyan totoo, marahil ay hindi mo mababasa ang Ulan ng Pagpapala sa araw na ito. May rason ang Diyos kung bakit naririto ka sa pahinang ito ngayon.

At ang mga rason Niya ay laging dakila, laging mabuti.

Pag-isipan mo sana nang maigi ang mga bagay na ito, kaibigan. Malapit nang magbalik sa lupa ang Anak ng Diyos. Nais Niya na sa pagbabalik Niyang iyon ay isa ka sa mga tatanggap ng labis-labis na pagpapala mula sa Panginoon at hindi labis-labis na poot dahil sa kasalanan.

Love ka ni Jesus. Shalom and God bless!

(zayithhebron.wordpress.com)


SHARE