ULAN NG PAGPAPALA: Kapit lang sa Panginoon kahit pagod na

By

“Kaya’t huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo magsasawa. Kaya nga, sa lahat ng pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa ­pananampalataya.” (Galacia 6:9-10)

Alam mo, hindi totoong kapag Kristiyano ka e palagi kang up and energetic! ‘Yun bang kanta ka nang kanta, tapos kahit wala nang laman ‘yung pinggan sa harap mo at magtutubig ka na lang maghapon e sobrang jubilant pa rin ‘yung mood mo.

Para sa akin, ‘yung mga ganu’ng instances e talagang work ng Holy Spirit sa buhay ng mananampalataya. Siya ang taga-lift up ng mga spirits natin. Siya ang taga-encourage sa atin. Siya ang tagapagpasaya natin.

Kaya hindi ba, kapag nasa ganu’ng mga sitwasyon ka, ­para kang nasa alapaap? Ayaw mo nang ilapat ang mga paa mo sa ­lupa. Gusto mo, laging nandu’n ka sa tuktok ng bundok at hindi ka na bababa sa magulong siyudad.

Pero hindi kasi ina-allow ng Panginoon ang gayon, 365 days ng mga buhay natin. Madalas, para matuto tayong umasa sa Kanya o dumepende sa pangunguna ng Holy Spirit, hinahayaan Niya tayong dumaan sa madidilim na mga sandali ng buhay.

Nasasaktan tayo.

Nabibigo.

Nawawalan ng mahal sa buhay.

Nakakaramdam ng pagdududa.

Natutuksong gumawa ng hindi ayon sa kalooban ng Diyos.


Lahat ng mga bagay na iyan, bagama’t tila “kamalasan” sa buhay katulad ng paniniwala ng marami, ay mapagkukunan pa rin ng biyaya mula sa Diyos.

Mismong ang Panginoong Jesus ay dumaan sa lahat ng iyan. Ang nagbigay sa Kanya ng lakas ay ang Kanyang pag-ibig sa Ama at paghahangad na mabigyan Siya ng kasiyahan.

Tinupad ni Jesus ang Kanyang misyon nang buo ang loob kahit na alam Niya sobrang hirap at pasakit at dusa ang katumbas ng pag-“oo” Niyang iyon.

Kaya po, mga kapatid, kung may mga pinagdaraanan tayo ngayon na sa tingin nati’y sobra nang nakakapagod dalhin, kapit lang tayo kay Jesus. Hugot tayo ng lakas mula sa Kanya. Iniibig Niya tayo nang tapat. Ang mga problema at ­pagsubok ay kadalasang ginagamit ng Diyos upang pakinangin tayo nang parang ginto.

Maraming mga metals ang hindi natin magagamit nang todo kung hindi sila pinadaraan sa grabeng init ng apoy. Ang ginto’t pilak ay pinadaraan sa apoy.

Sino ang mag-aakalang ang isang bagay na napakaitim na katulad ng uling ay maaaring panggalingan ng diyamante isang araw? Pero iyan ang katotohanan, hindi po ba?

Maging ang mga bagay sa paligid natin, mga likas na ­prosesong dinadaanan ng mga natural na bagay, ay nakapagtuturo sa atin ng mga ginintuang aral tungkol sa pakikitungo ng Panginoong Diyos sa atin.

Kaya’t maging matatag tayo sa gitna ng pagsubok o kalungkutan. Kapit lang tayo kay Jesus. Ang mga maiitim na ulap ng buhay ay hindi nagtatagal; nahahawi rin.

Si Jesus at ang ‘di nagbabago Niyang pag-ibig para sa atin ang siyang susi ng lahat. Doon tayo magtiwala at hindi sa mga emosyon o nararamdaman natin.

Magbabad tayo sa Kanyang Salita araw-araw at pakainin­ natin ng espirituwal na lakas ang ating mga kaluluwa. Shalom and God bless!

“Kahit na ang mga kabataan ay napapagod at nanlulupaypay­. Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay ­Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila’y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila’y lalakad ngunit hindi ­manghihina.” (Isaias 40:30-31)

(zayithhebron.wordpress.com)

SHARE