Una sa Balita

ULAN NG PAGPAPALA: Ituro sa anak ang salita ng Diyos

By
0 15

Grabe. Kapag sisimulan mo ang araw mo, huwag mong sasabayan ng pagkakape ang panonood ng balita mula sa CNN (local man o international). Lalo na ngayong mga araw.

Isang van ang pumatay ng 13 katao at nanakit ng humigit-kumulang 100 pa. Nangyari ito sa Barcelona, Spain.

Sa Sierra Leone naman (sa Africa), daan-daang tao rin ang namatay dahil sa mga mudslides o pagguho ng lupa.

Sa Nueva Ecija naman, meron na ring bird flu. Sa Pangasinan, umulan ng yelo. Sa Charlottesville, Virginia, nagsuguran ng mga protesters tungkol sa issue ng racism.

May namatay na isa. Maraming Amerikano ngayon ang galit kay Do­nald Trump.

Ang daming terror attacks sa iba’t ibang panig ng mundo ngayong taon. Idagdag mo pa riyan ang giyerang patuloy na nangyayari sa Marawi sa Mindanao.

Panginoong Diyos, kailan ba magkakaroon ng ganap na katahimikan ang daigdig?

Kahabag-habag ang mga kabataang nasasawi sa ganitong mga mararahas na pangyayari.

Para ba kasing nagsisimula pa lang na sindihan ang ilawan ng kanilang mga buhay, tapos hinipan na agad ang posporo.

Wala na bang katarungan sa daigdig? Wala na bang katiyakan ng kahit kaunting katahimikan man lang?

Sino na ba ang puwedeng pagkatiwalaan? Aling mga talumpati ng mga pulitiko ang masasabi mong talagang kapani-paniwala? Pati kalikasan ay nakikisama sa pagkasira ng buhay ng maraming tao rito sa daigdig natin.

Marahil ay ganyan ang mga tanong at kaisipang tumatakbo sa isip mo ngayon, kung aware ka sa mga nangyayari sa kapaligiran.

Related Posts

Kung gayon nga, kaibigan, inuudyukan kitang huwag tumingin sa mga nangyayari sa paligid. Bagkus ay sa Panginoong Jesus ka tumingin at manalangin.

Matagal na kasi Niyang sinabing habang papalapit ang Kanyang pagbabalik sa lupa para maghukom ay lalong titindi ang kasamaan sa daigdig. “Because of the increase of wickedness, the love of many will grow cold.” Ang mga salitang iyan ng Panginoong Jesus ay itinala ng apostol Mateo sa Mateo 24:12.

Sobrang exciting na ng panahon natin. At sobrang nakakalungkot din para sa susunod na henerasyon.

Dahil kung umaasa ka pa na ang lipunang kalalakihan ng mga batang nasa elementarya ngayon ay gaganda o bubuti pa, mabibigo ka lamang.

Habang tumatagal ay hindi na ‘uso’ ang pagtuturo ng Salita ng Diyos. Ipinagbabawal na nga iyan sa maraming mga bansa.

Pati mga modernong mga lunsod na inaasahan mong susuporta sa pagtuturo ng mga tamang values sa mga bata ay nagbabawal na rin dito.

Sa Bibliya mo makukuha ang mga aral ng Diyos patungkol sa tamang pamumuhay, tamang pagsamba, tamang pagtrato sa kapwa.

Kung hindi mo iyan ituturo sa bata, anong mga prinsip­yo ang kanyang pakikinggan at isasabuhay?

Kaibigan, importanteng ituro natin sa ating mga anak ang mga salita ng Panginoong Jesus sa Bibliya.

Bumili tayo ng mga Bible study materials sa mga Christian book stores. Ipanalangin natin ang ating mga anak.

Ang pag-asa ng susunod na henerasyon ay si Jesus lamang.

Shalom and God bless!

(zayithhebron.wordpress.com)