Una sa Balita

ULAN NG PAGPAPALA: Gamitin mo nang tama ang oras mo bilang magulang

By
0 266

“Kaya’t maging maingat kayo sa inyong pag­lakad, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong, na sinasamantala ang panahon sapagkat ang mga araw ay masama. Kaya’t huwag kayong maging mga hangal, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.” (Efeso 5:15-17)

Kung meron mang bagay dito sa lupa na napaka­halaga pero hindi mo talaga puwedeng bilhin, kitain, o pahabain, ito’y walang iba kundi ang ORAS.

Panahon.

“Sana, ganito ang ginawa ko nu’ng bata pa ako.”

“Sana mas binigyan ko siya ng atensiyon nu’ng maliit pa siya.”

“Sana hindi ko nilustay ang mga taon sa galit at sama ng loob.”

Paulit-ulit tayong pinaaalalahanan ng Bibliya tungkol sa paggamit ng karunungan sa pamumumuhay natin araw-araw. Ang bawat segundo, bawat minuto, bawat araw na lumilipas ay hindi na maiba­balik pa. Tiyakin nating nagagamit ito sa paraang ­nakalulugod sa Panginoon.

Si Jesus ang pinaka-best investment, pagdating sa paglalaanan mo ng panahon.

Garantisadong wala kang lugi, at ang puhunan mo ay magkakaroon ng ‘kita’ sa susunod na buhay. Higit sa pera, ang buhay na walang hanggan ay hindi kailanman mababawi o mawawala sa sinumang mamumuhunan dito nang may tunay na pananampalataya.

Kaya po, napaka-simple lang ng paalala:

Related Posts

Kapag naririyan po ang mga anak natin, at may pagkakataon na makasama natin sila nang matagal-­tagal, sunggaban na po natin ‘yung oportunidad. ­Dahil, hindi forever na pakalat-kalat sa paligid natin ang mga batang iyan.

Gigising ka na lang isang araw, hindi ka na pala kailangan. May sarili na siyang mga ­barkada. May hinahabol na gustong makarelasyon. May mga ­ambisyon at pangarap na marating. May mga ­gustong mabili para sa sarili kaya halos hindi ka na matawagan dahil sa sobra silang busy.

Minsan tuloy, maitatanong mo sa sarili mo: “Ako pa ba ang magulang nitong mga ito? Bakit parang ­pakiramdam ko, wala na akong anak?”

Ang ibang mga tatay o nanay, kapag hindi naiintindihan ang mga nangyayari, magagalit lagi. Dadaldal, sisigaw. Ginagawang boarding house na lang daw ang bahay! Ni hindi na marunong magligpit ng pinagkainan! Ni hindi makausap!

E kaya nga. Alam mo nang nasa ganyang stage na ang anak mo. Nagpupundar na para sa sariling buhay at malapit ka nang iwanan. Kapag ganyan ba, puro bunganga pa rin ang ipapabaon mo? Hindi na dapat, ‘di ba? At hindi talaga dapat maski kailan.

Tayong mga magulang, dapat maging ­eksperto, hindi lang sa pagbuhay ng pamilya kundi sa pagbuo ng mga mahahalagang ALAALA. Mga precious memories na kasama natin ang mga anak natin habang naririyan pa sila sa poder natin.

Dahil nga, darating ang panahon (at sandali lang ay nariyan na iyon) na natural na lamang silang mawawala na nang tuluyan sa mga bahay natin. Iyon ang dapat na mangyari kaysa ‘yung pipilitin mong puro may-asawa na ‘yung mga anak mo e sa iyo pa rin nakasandal! Hindi iyon ang tamang pagpapalaki ng mga anak.

Dalawang bagay ang ipinamamana ng isang ulirang magulang sa kanyang anak: Ang isa ay ugat; ang ikalawa ay pakpak.

Iparamdam lagi sa mga anak na sa anumang panahong kailangan nila ng masasandigan, naririyan ka. Hindi mo sila iiwan. Ngunit ipaunawa mo rin sa anak mo na kapag dumating na ang panahong kaila­ngang magpraktis na siya sa paggamit ng sarili niyang mga pakpak ay talagang paliliparin mo siya — kahit mahirap sa kalooban mo.

Mahalagang mga bagay na dapat nating pag-­isipan ang mga ito. Sana’y napagpala ka.
Shalom and God bless! (zayithhebron.wordpress.com)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy