ULAN NG PAGPAPALA: Dama ba ng anak mo na mahal mo siya?

By

“Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos at ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.

“Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.

“…Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo’y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 4:7-8, 10)

Alam mo, sobrang nalulungkot ako ngayong mga araw.

Bakit ‘ka mo? Kasi sunud-sunod ang counseling ko sa iba’t ibang mga anak ng Diyos. Mga kabataan, mga mag-asawa, mga nanay, mga tatay. Lahat ng mga problema, iisa ang ugat: mga sugat na hindi naghihilom, bunga ng maling pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang.

Malaki ang epekto sa tao ng kanyang nakaraan. ‘Yung kanyang personalidad, ‘yung kanyang karakter ngayon, ‘yung mga kaya niyang gawin at ‘yung mga kinatatakutan niyang subukang gawin, lahat iyan epekto ng pagkakahubog ng kanyang isip, pagkakabuo ng kanyang kalusugang emosyonal o emotional health sa Ingles.

Mataas ang suicide rate sa mga kabataan. Marami sa kanila, litung-lito sa buhay. Pakiramdam nila, hindi sila mahal ng kanilang mga magulang. Na kapag sinuri mo nang maigi ang kanilang mga sitwasyon, makikita mong kaya pala ganu’n ang kanilang mga nanay at tatay e dahil malungkot din ang pagpapalaki kina Nanay at Tatay nina Lolo at Lola.

Pasa-pasa. Down to the next generation. Kapag maling ­pilosopiya at pamamaraan ng disiplina ang ginamit ng nuno, hanggang sa apo e damang-dama ang pagkasira ng pamilya at ng buhay.

Naririyan ang breadwinner na naniningil. Ipinadaramang maigi sa bawat miyembro ng pamilya na kailangan nilang bayaran lahat ng kanilang mga kinakain, isinusuot, ipinapamasahe, ipinang-aaral. Lahat kayo, pabigat sa buhay.

Ang resulta: Parang sabog ang isip ng bata. Hindi alam kung saan babaling, hindi sigurado kung sino siya talaga.


Ang masaklap e Kristiyano ang teenager na ito. Lahat ng sugat niya sa isip at kalooban, bunga ng kawalan ng pagmamahal sa kanyang buhay. ‘Yun bang pagmamahal na matutumbok mong totoong pagmamahal. Madalas kasi, nahihilo na ang bata sa mga pasakit na dinaranas.

Giliw na mga mambabasa, isang mahalagang leksiyon na naman po iyan sa atin. Ang isang taong hindi tunay na ­nakakakilala sa Panginoong Jesus ay sadyang mahihirapang makapagpakita ng tunay na pagmamahal sa kanyang anak o kapamilya. Ang kapangyarihang umibig sa kapwa nang tapat at tama ay nanggagaling sa Holy Spirit o sa Banal na Espiritu.

“Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan….” at marami pang iba. Mababasa ito sa Galacia 5:22-23. Ang tunay na pagmamahal sa anak ay nagbubu­nga sa bandang huli ng kagalakan at kapayapaan, dahil nagi­ging tama ang “tubo” ng bata. Nagiging matatag, hindi takot na mabigo sa buhay, marunong mag-encourage sa sarili kapag down siya.

Ang importante sa lahat: Hindi nakakapag-isip na magpa­kamatay.

Mga magulang, ako po’y nakikiusap sa inyo. Kilalanin n’yo po nang mabuti ang inyong mga anak. Kailan n’yo po huling nakausap nang sarilinan ang mga bata? Alam n’yo po ba ang mga problemang kanilang pinagdaraanan? Sapat po ba ang tiwala nila sa pag-unawa ninyo upang makapagbukas sila ng kalooban sa inyo anumang oras?

Napakaimportante po ng mga bagay na iyan. Nawa’y mapag-isipan natin nang mabuti. Shalom and God bless! (zayithhebron.wordpress.com)

SHARE