Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ukraine gayahin sa pagpili ng tamang lider – Lacson

0 256

Malalampasan natin ang mga krisis na makakaapekto sa buhay ng mga Pilipino kung tamang lider ang magiging susunod na pangulo katulad sa Ukraine na handang ibuwis ng presidente ang sariling buhay alang-alang sa kapakanan ng kanilang bansa, ayon kay Partido Reporma presidential bet Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Aniya, ngayon na ang panahon upang suriing mabuti ng mga Pilipino kung sino ang karapat-dapat at tunay na may kakayahan sa lahat ng mga kandidato para pamunuan ang Pilipinas, lalo sa panahon ngayon na may nagaganap na iringan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon kay Lacson, bukod sa maagap na paghahanda sa posibleng epekto sa ekonomiya, pagkain at kaligtasan ng publiko, dapat handang magbuwis ng buhay ang magiging susunod na pangulo alang-alang sa kapakanan ng kanyang mga mamamayan tulad ng ginagawa ngayon ni Ukraine President Volodymyr Zelensky.

“Tuwing makikita ko siya kinikilabutan ako dahil nandoon siya katabi ng mga sundalo niya, ano, at handang mamatay para sa kanyang bayan. ‘Yan ang tunay na leader,” sabi ni Lacson na dating nagsilbi bilang sundalo at hepe ng Philippine National Police. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.