Una sa Balita

Ugat ng Natonin landslide paiimbestigahan ni VP Leni

By
0 144

PURSIGIDO si Vice President Leni Robredo na imbestigahan ang nangya­ring landslide sa Natonin, Mountain ­Pro­vince na ikinamatay ng 16 katao.

Sa programa sa radyo na “BISErbisyong LENI” ay inihayag ni Vice President Robredo na dapat nang tingnan ang dahilan ng nangya­ring pagguho ng lupa sa Natonin.

“Siguro panahon din para i-review ulit natin iyong mga threats sa kalikasan, gaya ngayon na grabe iyong bagyo. Tingnan natin kung ano ba iyong dahilan ng landslide, ano iyong dahilan ng pagguho,” sabi ng Bise Presidente.
Nabanggit din ni Robredo na hindi lamang sa Natonin nangyari ang ganitong insidente.

“Kung naaalala natin, noong nakaraang buwan, sa Ifugao. Galing nga tayo doon. Sa Naga, Cebu, nangyari din. Ngayon sa Natonin na naman. At may mga patay na naman,” ayon kay Robredo.

Paliwanag pa ni ­Robredo, nang magpunta ang kanyang team sa Ifugao ay iba-iba ang sinabing dahilan ng pagguho ng lupa.

“Iyong sa Ifugao, pagbaba namin doon, mayroong, parang, debate, kung ano talaga iyong pinagmulan. Parang sinasabi ng iba na dahil sa mining, iyong mga taga-doon naman, tinuturo sa amin kung bakit hindi mining iyong dahilan. Pero kahit ano pa iyong dahilan, panahon na para balikan natin ano ba iyong mga ginawa natin na, parang, paglalapastangan sa kalikasan, kasi tayo din iyong nagbabayad sa mga buhay na nawawala,” ayon kay Robredo.

Dagdag ni Robredo, dapat ding rebyuhin ang gusali ng Department of Public Works and Highways na natabunan sa nasabing lugar.