Una sa Balita

Uber Tinangay ang sasakyan, hinulog sa bangin

By ,
0 7

Tinangay ang sasak­yan, iginapos, piniringan­ ang mata at pagkatapos ay inihagis sa bangin sa Tanay, Rizal ang isang Uber driver ng mga la­laking carnapper at nagpanggap na mga pasahero noong Huwebes ng madaling-araw.

Suwerteng hindi naman masyadong nasaktan­ at agad nakakalag sa ­kanyang pagkakatali ang biktimang si Jaime Mejia na agad humingi ng saklolo sa pulisya.

Sa salaysay ng biktima­ sa Tanay PNP, isang ­booking request umano ang natanggap niya at sinundo nito ang tatlong la­laking pasahero sa Dona Juan Village sa Pasig City at magpapahatid sa SM Masinag sa Antipolo City.

Habang bumabagtas sa Marcos Highway lulan ng Toyota Innova patu­ngong Masinag ay bigla­ na lang umano siyang tinutukan ng kutsilyo ng isa sa mga lalaki sabay sunggab sa kanyang leeg. Pinalipat umano siya ng mga suspek sa likod ng sasakyan habang ang isa ang pumalit sa kanya sa pagmamaneho.

Isa pang lalaki ang hinintuan ng mga suspek sa kahabaan ng Marcos Highway at habang tumatakbo ang sasakyan ay sinimulan na siyang igapos, piringan at busalan.

Tumakbo pa umano ng mahigit isang oras ang sinasakyan nilang Innova hanggang maramdaman na lang niyang huminto ito at binuhat na siya ng mga suspek at itinapon sa hindi kalalimang bangin.

Nakuha naman umano­ ng biktima na makahingi ng saklolo at napag-alamang itinapon siya sa isang liblib na lugar sa Bgy. Sampaloc sa Tanay, Rizal.

Patuloy pa ang follow up operation ng pulisya para sa posibleng pagdakip sa mga suspek at pagbawi sa sasakyan.