Una sa Balita

Uber at Grab merger pinara ng PCC

0 2,319

Masinsinang susu­riin ng Philippine Competition Commission (PCC) ang merger ng Grab at Uber dahil sa mala­king implikasyon nito sa transportasyon at sa publiko.

Mandato ng PCC na siguraduhing may kompetisyon sa mga industriya at pagbawalan ang mga gawain na nakasisira ng kompetisyon.

Aalamin ng PCC kung magtataas ang pasahe ng mga mana­nakay at kung papa­ngit ang serbisyo, sa oras na matuloy ang merger ng dalawang Transportation Network Com­pany (TNC).

Aalamin din ng PCC kung may iba pang mapagpipilian ang mga pasahero na transport network companies maliban sa pinagsamang Grab at Uber.

Sabi ng PCC, ang pag-alis ng Uber sa Pili­pinas ay magbibigay ng monopolyo sa Grab.

Nakipagmiting ang PCC sa Grab at Uber para malaman kung ang merger ay aabot sa P5 bilyon, kung ang halaga ng ari-arian ng Uber sa Pilipinas ay aabot ng P2 bilyon, at kung ang kinikita nito sa Pilipinas at ang ari-arian sa labas ng Pilipinas ay lalampas ng P2 bilyon.

Sakaling aabot sa P5 bilyon ang merger at ang assets ng Uber ay lalampas ng P2 bil­yon at ang kinikita nito at ang assets nito sa labas ng Pilipinas ay lalampas ng P2 bilyon, hindi maaaring matuloy ang merger nang walang pahintulot ng PCC.

Hinihikayat ng PCC ang Grab at Uber na huwag munang ituloy ang merger hanggang hindi pa natatapos ang pagsusuri nito para hindi na sila mahirapan pang bawiin ang merger­ sakaling hindi ito payagan ng PCC.