UAAP: La Salle-UST semis clash ngayon

By

Laro ngayon:
(Smart Araneta Coli­seum)
4 p.m. — DLSU vs UST (Women Semis)
Laro bukas:
(Mall of Asia Arena)
12 noon — NU vs FEU (Men Semis) 
4 p.m. — ADMU vs FEU (Women Semis)

Ibubuhos nang lahat ng University of Santo Tomas ang lahat ng lakas laban sa defending champion La Salle sa Final Four ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament sa Araneta Coliseum ngayon.

Gaganapin sa 4:00 ng hapon ang giyera, kung saan inaasahang maglili­yab ang banggaan ng dala­wang koponan.

Apat na taong nawala sa semis ang UST, samantalang siyam na sunod na taon nang nagrereyna sa Final Four ang La Salle.

Gayun pa man ay positibo si Tigresses coach Kungfu Reyes na handa ang kanyang mga bata kontra sa koponan ni coach Ramil de Jesus.

“In good spirits sila, mas determined, mas focused, ayaw na nilang natatalo ng ganon-ganon lang,” dagdag niya.

“Next step na kami. Hindi lang kami magse-settle sa Final Four. Ma­ngangarap na kami ng sobra-sobra. Io-overachieve na namin kung ano yung narating namin ngayon,” wika pa ni Reyes.

“We came from sixth place last year, na-double namin yung paghihirap namin and this is our result for now.”

Baon ng UST ang matamis nilang panalo sa National University na nagbigay sa kanila ng tiket para sa Final Four.

Pero nagbabala si Reyes na dapat nilang iwasan ang sobrang saya lalo na ngayon ay duma­rami na muli ang mga fans ng UST na sa mga nakaraang season ay nanamlay ang suporta.


“First time nila (players) sa Final Four so malaking occasion baka ma-overwhelm sa crowd,” saad niya.

Susubukan nina UST spikers Sisi Rondina, EJ Laure, Mary Dominique Pacres at Christine Francisco na palusutin ang kanilang matutulis na atake sa matataas at matitibay na blocks nina Majoy Baron, Kim Dy at Aduke Ogunsanya ng La Salle.

SHARE