UAAP: BOUNCE-BACK TAMS!

Warriors inambus ng Tamaraws

By

Parang inakay na tumiklop ang pakpak ni Wilson Bartolome (21) ng UE nang liparan at dakdakan mula sa likod ni Prince Orizu (17) ng FEU. Sumi­singasing mula umpisa hanggang dulo ang Tamaraws para sagasaan ang Warriors 90-83. (Patrick Adalin)
Parang inakay na tumiklop ang pakpak ni Wilson Bartolome (21) ng UE nang liparan at dakdakan mula sa likod ni Prince Orizu (17) ng FEU. Sumi­singasing mula umpisa hanggang dulo ang Tamaraws para sagasaan ang Warriors 90-83. (Patrick Adalin)

Lumiyab agad ang opensa ng Far Eastern University sa simula hanggang suwagin ang kapitbahay sa Recto na University of the East, 90-83, kahapon sa 80th UAAP basketball tournament sa Smart-Araneta Coliseum.

Nakabangon ang Tamaraws mula sa pagkakadapa sa La Salle, 95-90, noong Linggo.

Kumayod sina Richard Escoto, Prince Orizu at Barkley Ebona nang hawakan ng Tamaraws ang 30-11 lead sa second quarter.

Hindi na lumingon ang FEU para ilista­ ang 1-1 karta.

Sinubukang lumapit ng Red Warriors sa pamumuno ni Clark Derige pero hindi na sila pinaporma ni graduating guard Ron Dennison, tumulong sa opensa para ibigay ang unang panalo ni FEU head coach Olsen Racela sa liga.

Tangan ng FEU ang eight-point lead sa kalagitnaan ng fourth, tumikada si Dennison ng anim na sunod na puntos para ilayo ang agwat, 88-76, may 2:18 minuto na lang.

“Malaking bagay ‘yung improvement niya sa offense for his development as a player,” patungkol ni Racela kay Dennison.

Kumana si Dennison ng 16 points, four rebounds, three assists at two steals, tumapos si Orizu ng double-double na 15 points at 16 rebounds

Nirehistro nina Ebona, Escoto at Arvin Tolentino ng tig-11 markers para sa Tamaraws.
“‘Yun naman ang gusto namin, team effort talaga dapat,” dagdag ni Racela.

May 22 points si Clark Derige para sa Red Warriors na nalasap ang panga­lawang sunod na talo, unang yumuko sa NU, 69-86.


SHARE