Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

TV gamitin sa mahihirap at komplikadong aralin

0 199

Noong nagbukas ang klase at naglibot tayo sa ilang mga bahay sa Valenzuela, kapansin-pansin na masyado palang komplikado ang ilang aralin na nasa self-learning modules (SLMs).

Isang halimbawa dito ang subject na Geometry o kaya ay Trigonometry na ginagamitan ng tahasang pagko-compute. Mas marami mang mga mag-aaral ang gumagamit ng SLMs para sa distance learning o halos 60 porsyento sa 22 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, kailangan pa rin ng mas malawakang paggamit ng telebisyon lalo na sa pagtuturo ng mga mahihirap o masalimuot na aralin.

Sa telebisyon, malaki ang maitutulong ng maingat na paggabay ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral sa pamamagitan ng video para mas madaling sundan ang paksa at maintindihan agad ng mga bata.

Inilunsad na ng DepEd ang DepEd TV na umeere ng mga K to 12 subjects mula Lunes hanggang Sabado simula alas-syete ng umaga hanggang alas-syete ng gabi. Napapanood ang DepEd TV sa mga istasyong may ugnayan sa DepEd tulad ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) at People’s Television Network (PTV-4).

SM food to go Banner Ad

Nais din nating bigyang-diin ang kahalagahan dito ng pakikipag-ugnayan ng mga local government units (LGUs) sa mga lokal na istasyon ng telebisyon at radyo at pagpapalawig ng ganitong mga ugnayan para matiyak na maaabot ang lahat ng mga bata sa mga komunidad sa buong bansa.

Ngunit dapat mapaalalahanan ang DepEd na suriing mabuti ang mga pinapalabas na mga aralin para makaiwas sa anumang pagkakakamali.

Bukod dito, muli nating hinihimok ang mga telecommunication companies na siguruhing maging maayos ang internet connectivity upang maiwasan ang mga problema sa online learning.

Sa amin sa Valenzuela, ang gamit ay Facebook Live para sa pagtuturo o ang tinatawag na ‘Valenzuela Live Online Streaming School.’ Ngunit kahit na umeere sa Facebook ang iba’t ibang mga aralin, mayroon pa ring mga mag-aaral na hindi nakakapanood ng mga leksiyon dahil nga sa problema sa internet.

Umaasa tayong mas maraming mag-aaral ang maaabot ng telebisyon kung ito ay gagamitin sa distance learning. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, lubos nating tinututukan ang pagpapahusay ng platapormang ito.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.