Una sa Balita

Tuyo pasta ng isang Instagram foodie

0 163

Kung ang iba ay pa­nay selfie sa instagram, ang isang stay-at-home mom, ginawang star ang kanyang mga niluluto sa bahay at kinakain sa mga restaurant.

Sa kanyang IG account na Tara Tara Kain Tayo, makukulay at katakam-takam na pagkain ang tanging makikita. Ang sikreto ng mga larawan ni Ruby Reyes Yap, natural lighting at tamang pag-anggulo ng kuha sa kanyang mobile phone. Ayaw niyang i-filter ang kanyang mga kuha dahil nagbabago raw ang kulay ng pagkain at nawawalan ng hustisya ang tunay na itsura nito.

Ibinahagi sa atin ni Ruby ang kanyang gourmet tuyo pasta. Pero bago sa mismong pasta, kailangang matutunan muna nating gumawa ng gourmet tuyo.

Kailangan lang natin ng 15 hanggang 20 piraso ng tuyo, vege­table oil na pamprito, 1 tasang olive oil o sunflower oil, 3 bawang na hihiwain ng maninipis, 1 siling labuyo na hihiwain ng pahalang o puwede ring 1 kutsaritang chili powder, 3 pirasong dahon ng laurel, pamintang buo na bahagyang pipisain, 1 kutsa­ritang paprika powder.

Tanggalin ang mga ulo ng tuyo at iprito sa vegetable oil. Ilagay sa paper towel para matanggal ang mantika at kaliskisan. Tanggalan ng tinik. Painitin ang kawali at ilagay ang o­live oil, bawang, siling labuyo, dahon ng laurel at paminta. Pakuluin at dagdagan ng paprika powder. Ihalo ang oil mixture sa tuyo. Itabi ito ng 3 araw sa refri­gerator para mababad ang lasa.

Para sa pasta, magpakulo ng 250 grams na fettuccini pasta.

Sa isang sauce pan, igisa ang bawang sa da­lawang kutsarang olive oil.

Ihalo ang gourmet tuyo. Maglagay ng paminta at isang kurot ng asukal para mabalanse ang lasa. Ihalo ng unti unti ang nalutong pasta. Isilbi na may parmesan cheese sa ibabaw.

***

May nais ba kayong ibahaging recipe o menu ng restaurant? Patikim Nga! Ipadala sa email: marou79@gmail.com o sa FB page: Patikim Nga.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More