Una sa Balita

Tutukan natin ang family planning

0 484

Sala-salabat na ang mga sulira­ning pumapasok sa ating bansa, tulad ng iba’t ibang sakit na hindi pa natin natutugunan ng solusyon ay may dumarating na namang bagong sakit.

Habang nasa kasagsagan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) ay heto naman ang COVID-19 (novel coronavirus) na hanggang ngayon ay hindi pa matiyak kung paano wawakasan.

Tapos heto ang walang kamatayang problema sa daloy ng trapiko na hindi lang sa Metro Manila nangyayari kundi sa iba’t ibang siyudad sa buong bansa ay ­dumaranas na ng sobrang pagsisikip.

Nakakaalarma rin ang ulat na inilabas ng Greenpeace Southeast Asia at ng Center for Research on Energy and Clean Air na 27,000 katao ang namamatay kada taon dahil sa polusyon.

At napakarami pang suliranin na hindi na halos napagtutunan ng pansin ng ating pamahalaan dahil sa pagharap sa makabagong problema na ang tunay na dahilan lamang ay ang patuloy na paglobo na ng ating populasyon.

Sobrang dami na natin na kung hindi makokontrol ay tiyak na mas marami pang suliranin ang darating na kaakibat ng napakabilis na pagdami ng mga tao at unti-unti na tayong nakararanas ng pagsisikip.

Sa kalagitnaan ng taong ito ay inaasahang papalo ang populasyon ng Pilipinas sa 108.7 milyon, ayon sa Commission on Population (Popcom) at sa pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na sa pagitan ng 2019 at 2020 ay tumaas ang populasyon ng 1,483,828 o 1.38 porsiyento.

Ang mabilis na pagdami ng ating populasyon ay maitutu­ring na isa sa pandaigdigang pangamba ayon sa eksperto na si Thomas Malthus na isang British economist at nananawagan na magkaroon ng preventive checks, tulad ng moral restraint, abstinence at birth control.

Tutukan natin…

Naaalala ko noon ang bansang China ay nagpatupad ng one child policy noong 1978 upang mapigilan ang paglago ng populasyon nito dahil sila ang may pinakamalaking populasyon sa buong mundo.

Sa Pilipinas, meron tayong National Family Planning Program na iniimplementa ng Department of Health (DOH) upang makatulong sa mga pamilya sa nais nilang dami ng anak sa tulong ng universal access to quality family planning information and services.

Kabilang dito ang probisyon ng family planning commodities na ligtas, legal, non-abortifacient, epektibo at kultural na pagtanggap. Ang mga serbisyong ito ay laganap sa iba’t ibang pagamutan sa ating bansa.

Ang programang ito ng DOH ang nagpabagal sa paglago ng ating populasyon sa 1.38% na sakto sa kapasidad ng ekonomiya ng Pilipinas, kumbaga, kayang-kaya pa.

Kaso lumalabas sa pag-aaral ng Popcom na bumagal ang pag-usad ng populasyon ng may edad na 0-14 habang tumaas naman ang senior age group na isang bagay na dapat pagtuunan ng pansin.

Dapat na masusing pag-aralan ng DOH ang ating Family Planning Program upang makasiguro na hindi ito magbubunga ng masamang resulta pagdating ng panahon tulad ng nangyari sa China na nagkaroon ng hindi mapigilang pagbagsak ng populasyon dahil sa kanilang one child policy.

Tinatayang aabot sa 1.36 bilyon ang pagbagsak ng populasyon ng China hanggang sa taong 2050 na magpapabagsak naman sa lakas ng kanilang manggagawa na aabot naman sa 200 milyon.

Dapat tayong mag-ingat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More