Una sa Balita

Tutukan ang mga may kasalanan sa Atio slay

0 4,574
Habang nabibigyan ang pagkamatay sa ha­zing ng freshman law student na si Horacio ‘Atio’ Castillo ng pagkondena at pagsusuri na nararapat sa krimeng ito, nag-aalala ang mga miyembro ng isang anti-hazing group na naililihis ng ilang ‘di singbigat na mga usapin ang pa­ngunahing isyu dito.
 
“Naniniwala kami na ang prayoridad ay dapat ituon sa tiyak na hustisya para kay Atio Castillo at kanyang pamilya, ang pagparusa sa mga direktang responsable sa kanyang walang saysay na pagkamatay,” ani Executive Director Chris Anasam ng Anti-Hazing Enforcement Movement (ANTHEM). 
 
“Subalit may lumalaganap na agam-agam na ang puntong ito ay nasasantabi ng ilang pangalawahing bagay, lumalabo ang tanawin at lumalabnaw ang katuturan ng teribleng pangyayaring ito,” dagdag nito.
 
Kasunod ng trahedya ay iniimbestigahan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang insidente, natapos ito nitong nakaraang buwan at nagbigay ang mga senador ng kanilang rekomendasyon sa Korte Suprema.
 
“Matapos ang im­bestigasyon, karamihan – kung ‘di man lahat – ng headlines ay natuon sa rekomendasyon ng Senate committee na i-disbar si UST Law Dean Nilo Divina. Sa mabilis na on-line search ay nakitang nag-umpisa rin sa kanyang pangalan ang karamihan sa mga istorya, at ang mga estudyanteng sadyang sangkot sa pagpatay ay napunta na lang sa parang saling-pusang banggit na ‘ang iba pa’,” paglilinaw ni Anasam. 
 
“Kung baga, si Divina ay isang bit player lang sa istoryang ito, at lubusang tiniyak ng pulisya na wala siyang nagawang anumang kasalanan. Bakit bigla na lang siyang isinasailalim sa pagsusuring mas higit pa kaysa sa mga taong pumalo sa kanya at nagtangkang pagtakpan ang krimen?” dagdag pa niya.