Una sa Balita

Tutok sa muling pagbangon ng Marawi

By
0 152

Nitong nakaraang buwan ay nagsagawa ng isang eksibit ang aking kabiyak na si Mylah sa National Museum of Anthropology. Tampok ang mga litratong kuha niya sa Marawi sa kanyang eksibit na pinamagatang “Marawi: A Year After.”

Makikita sa mga litrato ang pinsala na idinulot ng digmaan sa Isla­mic City. Mamamangha ka sa mga napakagandang mga kuha ni Mylah sabay malulungkot dahil mapapagtanto mo kung gaano kalaki ang pagbabagong nangyari sa Marawi dahil sa digmaan.

Nauna lamang ng isang linggo ang eksibit ni Mylah sa anibersaryo ng pagpapalaya sa Marawi laban sa mga grupong sumusuporta sa ISIS. Napakabilis nga ng panahon, isang taon na pala ang nakalipas mula nang tayo ay magwagi laban sa mga nais maghasik ng lagim sa Mindanao.

At dahil sa anibersaryo ng Marawi ay ninais kong balikan kung papaano nagsimula ang sigalot doon at ang mga naging hakbang ng pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan sa Mindanao. Binalak kong isulat ito sana ng mas maaga ngunit dahil sa ilang mga kaganapan noong nakaraang buwan – kasama na ang ang paghain ng certificates of candidacies sa COMELEC para sa halalan sa susunod na taon – ay napilitan akong ipagpaliban muna ito.

Noong ika-23 ng Mayo 2017, habang tinatangkang dakpin ang teroristang si Isnilon Hapilon ay sumiklab ang isang giyera sa Marawi City sa pagitan ng mga puwersa ng gobyerno at ng grupong Maute. Bilang tugon ay inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 216, na ilinagay ang buong isla ng Min­danao sa ilalim ng Martial Law kasabay na rin ng pagsuspinde sa pribihileyo ng writ of habeas corpus sa loob ng 60 na araw. Bago magtapos ang naunang 60 na araw na ito ay bumoto ang parehong kapulungan ng Kongreso na palawigin pa ang Martial Law sa Mindanao hanggang sa sa ika-31 ng Dis­yembre 2017. At noong ika-13 ng Disyembre 2017, nagsagawa ng special joint session ang Kamara de Representantes at ang Senado bilang tugon sa hiling ni Pangulong Duterte na palawigin pa ng isang taon na magtatapos sa Disyembre 31, 2018.

Pinilit kong tingnan ang sitwasyon na ito ng walang kinikilingan. (Miyembro pa ako ng Kamara nang ideklara ang Martial Law at una itong palawigin.) Dahil nga naman, sa kabila ng nauna na nating karanasan sa Martial Law noong dekada ’70, ang deklarasyon ng Martial Law ay nananatiling konstitusyonal na kapangyarihan ng pangulo ng bansa.
Naniniwala ako na sinumang may alam sa totoong sitwasyon sa Marawi noon ay boboto upang palawigin ang idineklarang Martial Law sa Mindanao. Bumoto ako sa unang pagpapalawig sa Martial Law at sinabi ko rin na sana ito ay para lamang sa pinakamaigsing panahon.

Bilang isa sa mga iilang opisyal ng bansa na nakapunta sa Marawi bago, habang, at pagkatapos ng labanan ay nakita ko mismo ang mga epekto ng digmaan at ang pangangailan para sa malakas at mabisang pagtugon dito. Sa kabila nito ay inaabangan ko ang araw na matapos ang Martial Law sa Mindanao. Hindi natin maikakaila na ang pagdeklara ng Martial Law ay nakatulong sa mas mabilis na pagbawi ng kapayapaan sa Marawi.