Una sa Balita

Tunay na kulay

0 235

Kung aarangkada agad ang cha-cha sa pagbubukas ng 18th Congress, baka mapaaga ang pag-goodbye nito.

Hindi nagustuhan ng nakararaming senador ang plano ni presumptive House Speaker Alan Peter Cayetano na term extension o ‘di naman kaya ay alisin na ang term limit ng mga kongresista at local officials.

Sabi ni Senator Panfilo Lacson, mali ang diskarte ni Cayetano hindi pa man naihahain ang panukalang cha-cha at hindi pa nagbubukas ang 18th Congress.

Ang panukala ni Cayetano ay sa harap ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing prayoridad ang cha-cha sa pagbubukas ng sesyon pero hindi partikular na binanggit ang term extension o no term limits.

May punto si Cayetano dahil napakaiksi nga naman ng tatlong taon na termino para magampanan ang kanilang mga trabaho. Sa kabilang banda, may option naman na muling sumailalim sa re-eleksyon ang mga mambabatas para magkaroon din ng pagkakataon ang mamamayan na maghalal sa Kongreso kung hindi karapat-dapat ang mga kasalukuyang mambabatas.

Si Senator Koko Pimentel, pangulo ng PDP-Laban ay magsusumite rin ng panukala na gawing apat na taon lang ang panunungkulan ng mga elected officials kabilang ang pangulo ng bansa.

Sa bill ni Pimentel, puwedeng sumailalim sa re-election ang pa­ngulo o magkaroon ng ikalawang termino.

Pero mismong si Pimentel ay aminado na malabong umusad ang cha-cha sa 18th Congress o panukalang federalism.

Paliwanag ni Pimentel, kung noong 17th Congress, hirap na hirap umusad ang federalism kahit isinusulong pa ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil una, siya lang ang sumusuporta sa Senado at ikalawa, hindi ganap na nauunawaan ng taumbayan at hindi interesado sa pagpapalit ng sistema ng gobyerno tungo sa federal form.

Related Posts

Bukod dito, may banta ang mga opposition senator na hindi makakaporma ang anumang panukala na baguhin ang sistema ng ating pamahalaan sa pagbubukas ng 18th Congress.

Mas makabubuti siguro na simulan ang sesyon na mga makabuluhang panukalang batas ang talakayin sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Bukod sa mga bill tungkol sa umento sa sahod ng mga public school teacher, mara­ming importanteng panukalang batas na makatutulong kay Juan dela Cruz gaya ng am­yenda sa mga kasalukuyang batas para maibaba ang singil sa kuryente, presyo ng produktong petrolyo at iba pa sa halip na isulong ang personal na interes ng mga mambabatas.

***
Kahapon ang 80th anniversary ng DZRH. (Hulyo 15)

Sa panahon ngayon na bida na ang social media, nakatutuwa na patuloy pa rin sa pagsasahimpapawid ng mga balita at impormasyon ng tinaguriang ‘Kauna-unahan sa Pilipinas’.

Siyempre mula sa radyo, nag-evolve na rin ang operasyon ng DZRH sa pamamagitan ng paghahatid ng mga impormasyon sa social media gamit ang Twitter, Facebook at ang RHTV sa telebisyon.

Maraming loyal listeners ang lumaki at nagka-edad na pero bahagi pa rin ng kanilang buhay ang pakikinig sa DZRH, umaraw man o bu­magyo, may kalamidad man o wala.

Wish ko ang patuloy na pagbabalita at serbisyo ng DZRH.

Mula noon hanggang ngayon, walang iwanan, walang lipatan ng AM dial.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy