Una sa Balita

Tumutulong sa kabataan

0 311

Dating PBA star Rey Evangelista

Kung usapang depensa, handang makipagpalitan ng mukha ang 6-foot-4 na banger na si Rey Evangelista.

Pero ang totoo, mahinahon at sports na manlalaro ang dating miyembro ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs.

Sa loob ng 15 taon sa PBA, nakamit ng 48-anyos na ngayong si Evangelista ang iba’t ibang parangal, pinakama­ningning ang Sportsmanship Award sa mga taong 1995, 1999 at 2001.

Isa itong all-time record kasalo ni Freddie Abuda na hindi pa rin napapantayan hanggang sa kasalukuyan.

Nagwagi ito ng apat na korona at tanging rookie na nakasama sa Philippine men’s basketball team sa 1994 Asian Games kung saan nagkasya ang bansa sa ikaapat na puwesto.

Nahirang din siyang Player of the Conference sa 2002 Governors Cup.

Nagtapos si Rey ng kursong Agribusiness sa Visayan State College of Agriculture kung saan ito naglaro sa VSCA team na tinanghal na kampeon sa State Colleges and Universities Athletic Association Region 8 meet.

Nagtapos si Rey ng masteral degree sa UST bago ito naglaro sa Nikon Home Appliances sa Philippine Basketball League noong 1993.

Agad na umakyat sa PBA sa sumunod na taon.

Nagretiro sa paglalaro sa PBA si Evangelista noong 2008 kung saan idineklara ng Purefoods na wala nang iba pang makakagamit ng numero 7 niya sa buong panahon sa koponan gayundin ang numero 44 ng kakamping si Jerry Codiñera.

Nagbalik si Evangelista sa kanyang sinilangang Ormoc, Leyte kung saan ito na ang kasalukuyang pinuno ng Ormoc City Sports Commission at nag-iimplementa ng iba’t ibang proyekto sa sports na inaasam nitong maging hagdan din ng kabataan para umunlad at magtagumpay sa buhay.

Q&A

Abante: Hindi mo ba nami-miss ang paglalaro lalo na nga­yon na malaki ang responsibility mo sa Ormoc?

Evangelista: Iba na ang priority ko. Hindi panghabang-buhay ang paglaro sa PBA. Medyo mahirap kasi iyung probinsya namin ay parang nagsisimula na buma­ngon mula sa mga natamong mga matitinding kalamidad.

Abante: Wala ka bang balak sakaling kunin kang coach alinman sa mga unibersidad sa Manila?

Evangelista: Hindi ko iniisip iyan. Madalas na nakakapaglaro kami ng mga dating PBA player din dito sa lugar namin at napag-uusapan ang mga ganyan pero mas prayoridad ko ngayon na maiangat ang buhay ng mga kabataan na laki dito sa Ormoc.

Abante: Ano ang vision o gusto mong mangyari sa mga kabataan ng Ormoc?
Evangelista: Gusto naming tulungan ang mga bata na matuto at maging daan ang sports para sa ikatatagumpay nila at maging maganda ang buhay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More