Tumanggi sa tagay, kuya sinaksak ni bunso

By

Dahil sa pagtangging uminom ng alak, nagawang saksakin sa ulo ng isang 19-anyos ang kanyang kuya kahapon ng madaling-araw sa may H. Cano corner Quezon Blvd., Sta. Cruz, Maynila.

Ginagamot ngayon sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Julius Laureta y Zausa, 29, at taga-No. 987 Quezon Blvd., Sta. Cruz, Maynila.

Tumakas naman ang kapatid nitong suspek na si Emmanuel Cayan y Zausa, kapatid sa ina ng biktima at nakatira rin sa naturang lugar.

Sa imbestigasyon ni PO1 Aaron John Nucum, ng Manila Police District-Police Station 3 (MPD-PS3), naganap umano ang insidente dakong alas-kuwatro ng madaling-araw sa H. Cano corner Quezon Blvd., Sta. Cruz, Maynila.

Nabatid na galing umano ang biktima sa isang birthday party nang dumating sa lugar at nagkita sila ng kapatid.

Niyaya umano ng bunso ang kuya na uminom na hindi pinaunlakan ng huli na nauwi sa pagtatalo ng dalawa.

Sa kasagsagan ng pagta­talo sinaksak ng suspek sa ulo ang kanyang kuya bago tumakas.
Isinugod naman ng kanyang asawa ang biktima sa pagamutan.

Nang tanungin ni PO1 Nucum kung ire­reklamo ng biktima ang kapatid ay tumanggi ito na kasuhan pa ang na­kababatang kapatid. 

SHARE