Una sa Balita

Tulungan lang naman ang buhay

By
0 808

Noong isang linggo, sabi ni Konsehal Ruru, “Boss, dami ng tulong sayo galing kung saan-saan. Parang araw-araw, may magandang ba­lita ga­ling eskuwela, gobyerno at simpleng tao.”

Sagot ko: “baka blessed lang tayo.”

Pauwi na ako nung naalala ko ‘yung sinabi niya. Naisip ko, wala naman talaga akong pinuhunan para makilala sila.

Karamihan nga doon, ‘di ko man lang nakita. Hindi ako bumibiyahe ng malalayo, hindi ako uma-attend ng kung ano-anong ­se­minar, nakipag-tie up sa kung kani-kaninong organisasiyon, o nagmiyembro sa kung ano-anong liga para maasahan sila ng bayan ko. Sila ang kusang lumalapit para tumulong.

Alam ko kung saan tayo nakatayo. At alam lang siguro nila ang ginagawa natin. Salamat nga sa FB, nakukuwento natin ng libre ang mga ginagawa natin. Hindi na kailangan gumastos sa mga sandamukal na tarpaulin at mamahaling newsletter para lang ipaalam ang mga proyekto natin. Araw-araw, may iskedyul ng trabaho na gagawin. Naka-post ito nang walang gastos sa FB account ko. Walang paltos. Limang taon ko na itong ginagawa.

Hindi na natin kaila­ngan ng mga coordinator na suswelduhan para lang ipaabot ang hinaing ng mga tao at mamulitika. Andiyan ang social media para isulat ng lib­re ang gustong ipaabot. ‘Yun na ang assignment notebook ko araw-araw pag binabasa ko ang mga request at hinaing nila at tugunan sa abot ng kaya.

Isang araw, may bisitang dumating sa opisina. ‘Di ko naman alam kung sino at kung ano ang pakay. Isa siya sa mga huli kong nakausap nang araw na ‘yon. Li­ngid sa akin, nagmasid pala siya dahil pinadala siya ng isang malaking negosyante na gustong magbigay ng tulong para sa ating bagong tayong kolehiyo.

“Mayor, araw-araw ba ganito?” Tumango lang ako at sumagot: “Wala na silang malalapitan kaya andito sila. Gobyerno kasi ang last man standing.”

Sumagot siya uli: “‘Di ko kaya yan. Magaling ka lang talaga.” Hindi ko pinalampas ang sinabi niya. “Hindi ako magaling. Natapat lang na gusto ko ‘yung ginagawa ko. Kasi kung ayaw ko ito, malamang matagal na kong tinalikuran ng tao. Hindi na sila pipila rito araw-araw. Mahirap umarte na gusto mong tumulong pero ang totoo, ayaw mo.

Mahahalata ‘yun ng tao. Puwedeng kapos sila sa aral pero hindi sila tanga at manhid.”

Ngumiti siya, “Magdadala kami ng assistance para makatulong sa kolehiyong pinatayo mo. Darating si boss para personal na iabot ang tulong niya. Umabot sa kanya ang mga proyekto mo at gusto ka niyang tulungan.”

Masarap sa pakiramdam na may mga ayudang dadating dahil gusto nila ang palakad mo. Pero ibig sabihin, dapat ay ituloy mo lang… kakausapin mo lahat ng gustong lumapit sayo. Magtatrabaho ka para sa kanila, at hindi ka dapat mapagod.

Dumating si Konsehal Lincoln sa akin kahapon, “Boss may nag-donate sa akin ng mga walis tingting at balde. Padala ko diyan ha para makatulong.” Sagot ko: “Ayos ‘yan, tuloy mo lang. Gamit tayo ng isa para magwalis ng kalat dito dala nang nagdaang ulan. ‘Tas, ipamigay na natin lahat ng iba sa labas. Isama na natin ‘dun sa mga nasunugan kahapon.“

Sa kuwentong ‘yun pa lang, buo na ang Miyerkoles ko.