Una sa Balita

‘Tuloy-tuloy lang ang trabaho’

0 326

Ito ang pinanindigan ni VP Leni Robredo matapos bawiin ng administrasyon noong Nobyembre ang trabahong ipinasa nila sa kanya.

Matatandaang itinalagang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) si VP Leni, matapos niyang matapang na tanggapin ang noong una’y tila pa­ngungutyang pagha­mon ni President Duterte.

Makalipas ang dalawang linggo ng araw-araw na pagsisiyasat at pakikipag-usap sa iba’t ibang kawani ng gobyerno at mga komunidad, napakala­king usapin pero hindi kagulat-gulat nang tahasang alisin sa posisyon si VP Leni. Napakaraming dahilan ng administrasyon at hindi na ito bago.

Kaya naman sa kabila ng napolitikang pagtutok sana sa mga inisyatibong kontra droga, pa­tuloy si VP Leni at ang buong Office of the Vice President (OVP) sa mga proyektong pinaniniwalaan naming malaki ang maitutulong sa pagbangon ng ating bayan. Isa na rito ang mga prog­ramang nakatutok sa ating mga youth leader para matulungan ang kanilang paglago bilang mga lingkod bayan.

Sa ilalim ng Angat Buhay (AB) program ng OVP, nagkaroon tayo ng kapasidad na tipunin ang mga youth lea­der mula sa iba’t ibang sulok ng ating bansa at isabak sila sa AB Young Leaders in Government Fellowship (ABYLGF). Katulong ang AB partner na Friedrich Ebert Stiftung Philippine office, ang ABYLGF ay namumukod tangi o isa lamang sa iilang mga programang nakatuon sa paglilinang ng kaalaman ng mga nakababatang lingkod bayan.

Ang mga kasaling mayor, vice mayor, at kinatawan ng Sangguniang Kabataan mula sa iba’t ibang sulok ng ating bansa ay sumailalim sa tatlong cluster training na nagsimula noong Setyembre. Malawak ang pinagdaanang mga workshop at mentorship session ng mga delegado — mula personal development hanggang sa transformative go­vernance na kailangan ng bawat lingod bayan para mapagbuti pa nila lalo ang kanilang paninilbihan.

Nitong Nobyembre 27, dalawang araw matapos magsalita si VP Leni tungkol sa pagkakatanggal niya sa ICAD, sabay-sabay na umakyat sa entablado ang mga youth lea­der ng ABYLGF para sa kanilang pagtatapos. Sa loob ng tatlong buwan ng pag-aaral sa ilalim ng kanilang mga mentor at pagsasangguni ng kanilang mga rekomendasyon para sa progresibong pagbabago ng kani-kanilang mga bayan, sila ngayon ay mas may angkop na kaalaman hindi lang sa pagpapatakbo ng kanilang bayan, kung hindi para mas matulungan ang mga miyembro ng kanilang komunidad na higit na nangangailangan.

Sabi ni VP Leni nang sibakin siya mula sa ICAD, ang pinakamatimbang na pananagutan niya ay sa taumbayan. Kaya simula’t simula pa, bago pa man mag-ingay ang kaguluhan sa kampanya laban sa iligal na droga, ni minsan hindi huminto ang mga inisyatibong panlaban natin sa kahirapan. Hindi lang ito sinabi ngunit kitang-kita ginagawa ni VP Leni: Ang patuloy na paglaban para sa ating mga kababayan at para sa ikabubuti ng ating bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More