Una sa Balita

Tuloy pa ba si Cardo Dalisay?

0 845

Ikinasa na sa Pebrero 27 ng Senate Committee on Public Services sa pamumuno ni Senator Grace Poe ang pagdinig kaugnay ng aplikasyon ng ABS-CBN sa renewal ng kanilang prangkisa.

Isang bill tungkol sa prangkisa ng TV network ang nakabimbing dinggin sa Senado, samantalang 12 bills naman ang nasa House of Representatives (HOR).

Ang 25-taong prangkisa ng ABS-CBN na ipinagkaloob ng Kongreso (Senado at HOR) ay mawawalang-bisa sa Marso 2020, kung kaya’t noon pa man ay nagharap na sila ng ­aplikasyon upang i-renew ang kanilang prangkisa. Lumipas ang panahon subalit hindi ito natatalakay at sa susunod na buwan nga ay mapapaso na ito.

Sa kabila ng kawalan ng pagdinig sa mainit na isyu, nagpahayag naman ang parehong liderato ng Kongreso na maaaring magpatuloy ng operasyon ang ABS-CBN hanggang 2022 hangga’t na­kabinbin pa ang renewal ng kanilang prangkisa.
Kaugnay nito, nag-file naman si Senador Frank Drilon ng resolusyon nitong Lunes na naglala­yong palawigin hanggang Disyembre 31, 2022 ang prangkisa habang tinatalakay pa ng Kongreso ang mga bills.

Sa ganang akin, malinaw na Kongreso lang ang may kapangyarihang magbigay ng prangkisa. Kung Kongreso ang nagbigay ng prangkisa sa ABS-CBN, ito rin lang ang may kapangyarihang bumawi o mag-renew ng prangkisa.

Sa mga pabor at kumokontra sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, bukas po ang Senado at House of Representatives sa mga gagawing public hearings upang mabigyang-daan ang inyong mga sentimyento.
Abangan ang mga ­darating na talakayan at debate!
***
Update sa Bulkang Taal

Muli kaming nag-ikot at bumisita ni Vilma sa ilang lugar ng Batangas na matinding napinsala sa pagputok ng bulkang Taal.

Pinuntahan namin ang mga bayan ng Agoncillo, Talisay, San Nicolas, Lemery, Taal at Laurel. Kinumusta namin ang mga naninirahan doon at naki­pagpulong sa mga mayor upang muling mag-abot ng tulong, alamin ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan at kumuha ng update sa mga napinsalang istraktura at kabuhayan. Mahalaga ang mga updates dahil ipapasok natin ang mga detalyeng iyan sa bubuoing reconstruction at rehabilitation plan ng gobyerno sa mga bayang naapektuhan ng bulkang Taal.

Sa mga bayang nabanggit, ang Agoncillo ang pinaka-matindi ang pinsalang tinamo sa pagputok ng bulkan. Kaya’t sa Agoncillo rin matutuon ang malaking buhos ng tulong ng gobyerno sa sandaling masimulan na ang rehabilitasyon.

Nakatutuwa naman na may mga pribadong negosyante sa ­Batangas ang walang sawang ­tumutulong sa mga naapektuhan ng Taal. Naroon sila noong nasa evacuation centers ang mga tao at ngayong nakauwi na ang karamihan sa kanila, tuloy pa rin ang kanilang pagtulong.

Tulad na lang ng bayan ng Laurel na sa kabila ng malaking pinsalang tinamo bunsod ng malapit na distansya nito sa bulkan, nagiging magaan ang malaking problemang kinakaharap ng local government doon dahil nakikipag-tulungan at ina­ako ng mga negos­yante ang pagpapatayo ng mga bahay doon na nasira sa pagsabog ng bulkan.

Nagpapasalamat tayo sa kanila dahil bukod sa direktang tulong nila sa mga naapektuhan, malaking problema ang inaalis nila sa balikat ng pamahalaan.
Talagang sa pagtutulungan at malasakit, mabilis makababangon ang mga kababayan natin sa alinmang krisis. Patuloy po tayong tumulong, hindi lang sa mga biktima ng Taal, kundi sa lahat ng mga kababayan nating nangangailangan.

Samantala, hinihintay pa rin natin ang report at rekomendasyon ng NDRRMC kung paano at kailan nila pinaplanong simulan ang rehabilitasyon ng mga bayan sa Batangas na pinilay ng pagsabog ng Taal.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More