Una sa Balita

Tuloy ang laban sa SC – DOJ

By
0 388

HINDI pa umano tapos ang laban ng Department of Justice (DOJ) kay Senator Antonio Trillanes IV dahil ang tunay na laban umano ay nasa Supreme Court (SC).

Ito ang binigyang-diin ni DOJ Sec. Menardo Guevarra sa press briefing kasunod ng inilabas na resolusyon ni Judge Andres Soriano ng Branch 148 ng Makati Regional Trial Court (RTC).

Nabatid na ibinasura ni Soriano ang kahili­ngan ng DOJ na mag-isyu ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes.

“This is not the end. Umpisa pa lang ito, marami pang pupunta­han ang kaso nito,” ayon kay Guevarra.

Ayon pa kay Guevarra, kakausapin niya si Prosecutor General Richard Fadullon at maging ang Department of National Defense (DND) para pag-usapan ang mga susunod na hakbang na gagawin.

Ito ay kasunod na rin ng pagkilala ni Judge Soriano sa inilabas na Proclamation 572 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Guevarra na mabubuksan muli ang kaso ni Trillanes at muling babalik sa Branch 148 at 150 para ipagpatuloy ang pagdinig.

Aalamin rin ng DOJ kung nagkaroon ng final judgment sa kasong coup d’etat at rebelyon laban kay Trillanes.

Sa naging desisyon din ng Makati Branch 148, kumbinsido ang korte na naghain ng amnesty application si Trillanes at nagawa rin niyang umamin sa kanyang pagkakasala o ‘guilt’ kaugnay ng kanyang na­ging partisipasyon sa Oakwood Mutiny.

Ito ang pinagbatayan ng korte kaya nito ibinasura ang mosyon ng DOJ na muling ipaaresto si Trillanes sa kasong kudeta.

Binigyan ng bigat ng Makati RTC ang mga ebidensyang isinumite ni Trillanes kabilang ang eye-witness testimonies na nagsasabing personal siyang naghain ng kanyang amnesty application sa Secretariat ng DND Ad Hoc Amnesty Committee noong Ene­ro 5, 2011 at nabigo umano ang prosekusyon na ito ay baligtarin.