Una sa Balita

Tuloy ang laban para sa mga manggagawa

0 638

Naratipikahan na po ang pinagsamang report ng Kamara at Senado para sa 2019 budget na may kabuuang 3.757 trilyon piso.

Suportado po natin ang pambansang budget dahil pondo po ito sa paglikha ng trabaho.

Halimbawa, mara­ming kababayan po natin ang makikinabang sa inilagay nating alokasyon para sa libreng tech-voc training sa halagang 3.9 bilyong piso sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Law.

Ang pondo naman po para sa mga proyektong pang-imprastruktura na sakop ng Build, Build, Build ay tiyak na magbubukas ng maraming trabaho sa construction sector.

Hindi lang po listahan ng mga gastusin ang budget bagkus naglalaman din po ito ng mga mahahalagang polisiya sa pagpapatakbo ng ating gobyerno.

Tulad po ng klarong probisyong idinagdag natin sa budget ng Bureau of Immigration (BI) na hindi na ito maaaring mag-issue ng Special Working Permit (SWP) sa mga dayuhan kung walang karampatang Alien Employment Permit (AEP) mula sa DOLE.

Mahigit 185,000 trabaho po ang dapat sana’y naibigay sa mga Pinoy pero nanakaw lang ng mga banyaga dahil sa talamak at maanomalyang pagbibigay ng SWP ng BI sa loob lang po ng 11 buwan noong 2018.

Magbibigay-daan po ang naturang budget para maprotektahan ang mga trabahong nanana­kaw ng mga ilegal Chinese worker na patuloy ang pagdagsa dito sa Pilipinas.

Samantala, bago po mag-adjourn ang Senado noong isang linggo, naisara po natin ang period of interpellation ng Security of Tenure Bill o Senate Bill 1826.

Inaasahan po natin na sa pagbubukas ng sesyon sa Mayo, maghahain po ng amiyenda ang ilang mga Senador para matuldukan na ang ENDO.

Nasertipikahan po ng Pangulo ang SB 1826 na ‘urgent measure’ at kapag naging batas, magbibigay po ito ng kapanatagan sa ating mga manggagawa na palagi silang may babalikang trabaho o seguridad sa trabaho.

Samantala, kaugnay po ng panawagan natin sa DOLE na bigyang ayuda ang ating mga kababayang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng Hanjin, nagdaos po ng Job Caravan nitong nakaraang Sabado sa Subic.

Umabot po sa mahigit 22,000 trabaho mula sa 90 kompanya ang inalok sa SBMA Gym kung saan karamihan po ng trabaho tulad ng welder at carpenter ay kuwalipikado ang may 3,000 natanggal na manggagawa ng Hanjin na una nang na-profile ng DOLE.

Itutuloy po natin ang laban para sa seguridad sa trabaho at patuloy na pagsasanay ng ating mga manggagawa at lalo pa po tayong magbabantay para hindi na muling manakaw ang oportunidad nilang umasenso.

Job Fair Schedule
58th Barangay Foundation Job Fair
Brgy. Concepcion, Pequeña Sports Center
Naga City, Camarines Sur
February 11

Bocaue Job Fair
Dr. Yanga Elementary School
Biñan 2nd, Bocaue, Bulacan
February 12

Kalinga Jobs Fair
Provincial Capitol Ground
Bulanao, Tabuk City, Kalinga
February 13
(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy